Ang sentro ng kinabukasan ng kalayaan ay naririto sa Taiwan at sa Ukraine. Ito ang ipinahayag ni Pangulong Damon Wilson ng National Endowment for Democracy (NED) sa panayam sa kanya ng Radio Taiwan International.
Pinangunahan ng NED at Taiwan Foundation for Democracy ang pagdiriwang ng ika-labing-isang Global Assembly of the World Movement for Democracy. Mahigit 300 mga aktibista, mamamahayag, at mga gumagawa ng patakaran ang natipon-tipon sa Taipei para sa pagpupulong mula ika-25 hanggang ika-27 ng Oktubre.
Ayon kay Wilson, ang pinakamalaking banta sa demokrasya ay ang pananakop ng Russia sa Ukraine at ang pamimilit ng Beijing sa Taiwan at sa mga mamamayan nito. Sinabi rin niya na ang dekadang ito ang nagtatakda ng mga bagong hamon para sa mga demokrasiya. Dagdag pa rito ang sinabi niyang sumasailalim sa sari-saring pag-atake ang demokrasya. Inaapi ng mga pamahalaang awtoritaryan ang sarili nilang mamamayan at nagluluwas ng mga kagamitan at teknolohiyang ginagamit sa pang-aapi sa buong mundo.
Dagdag pa rito, ipinahayag din niyang ang kapangyarihang awtoritaryan ni Xi Jinping ay nagtataglay ng maraming panganib dahil na rin sa pagbubunyag noong ika-20 Party Congress na napaliligiran si Xi ng mga loyalista. Dahil namumuno sila na tila nasa isang vacuum, sinabi ni Wilson na ang mga pinunong awtoritaryan ay mas madalas na magkamali. Makikita ito sa desisyong ginawa ng Pangulo ng Russia na si Vladimir Putin nang biglaang sakupin nito ang Ukraine.
Ang NED ay isang pribadong non-profit organization sa pinopondohan ng pamahalaan ng Estados Unidos na nagbibigay ng tulong sa mga grupong nagsusulong ng demokrasya sa mundo.