close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Survey: AI sa Pagkuha ng Balita ay Nagiging Uso, ChatGPT Patok

  • 19 June, 2025
  • 汪馬雪莉
Survey: AI sa Pagkuha ng Balita ay Nagiging Uso, ChatGPT Patok
OpenAI 聊天機器人 ChatGPT 人工智慧。(美聯社/達志影像)

Isang ulat mula sa media na inilabas ngayong araw ang nagpapakita na parami nang parami ang mga tao na gumagamit ng mga chatbot gaya ng ChatGPT at iba pang generative AI upang subaybayan ang mga pang-araw-araw na balita.

Ayon kay Mitali Mukherjee, direktor ng Reuters Institute for the Study of Journalism, unang beses nilang napansin sa taunang ulat ng pananaliksik na maraming tao na ang gumagamit ng ChatGPT upang makakuha ng mga ulo ng balita at mga pinakabagong impormasyon.

Ang Reuters Institute for the Study of Journalism ay bahagi ng Oxford University sa United Kingdom. Ang kanilang taunang ulat ay itinuturing na mahalagang sanggunian para sa mga sumusubaybay sa pagbabago sa mundo ng media.

Batay sa isang survey na isinagawa ng YouGov para sa nasabing institusyon na may 97,000 katao mula sa 48 bansa, lumabas na 7% lamang ng mga sumagot ang gumagamit ng artificial intelligence o AI upang kumuha ng balita.

Ngunit mas mataas ang porsyento sa mga kabataan. Sa mga edad 35 pababa, 12% ang gumagamit nito habang 15% naman sa mga edad 25 pababa.

Pinakapopular sa mga chatbot ang ChatGPT ng OpenAI, na sinusundan ng Gemini ng Google at Llama ng Meta.

Pinuri ng mga sumagot ang kakayahan ng mga chatbot na magbigay ng balitang may kaugnayan at akma sa kanilang interes.

Marami rin ang gumagamit ng AI upang magbuod ng artikulo (27%), magsalin ng wika (24%), at magrekomenda ng babasahin (21%). Halos isa sa bawat lima ay nagtatanong din tungkol sa kasalukuyang mga isyu.

Gayunpaman, nananatili pa rin ang kawalan ng tiwala. Karamihan sa mga sumagot ay naniniwalang maaaring magdulot ang AI ng mas hindi malinaw, hindi tumpak, at hindi kapanipaniwalang balita.

Ang mga makapangyarihang large language models o LLMs ng AI sa kasalukuyan ay hindi tradisyunal na isinulat gamit ang kodigo, kundi sinanay gamit ang napakalaking datos mula sa internet, kabilang na ang mga teksto, balita, at video.

Kapag nasanay na, kaya na nilang bumuo ng mga nilalaman at imahe bilang tugon sa mga tanong ng mga gumagamit gamit ang likas na wika.

Ngunit may mga isyu rin gaya ng tinatawag na "hallucination", kung saan ang AI ay bumubuo ng impormasyon na mukhang totoo batay sa mga pattern ng datos ngunit hindi naman talaga totoo.

May ilang organisasyong pang-media na, dahil sa matagal nang hamon sa kita, ay nakakita ng oportunidad at nakipagkasundo sa mga developer ng AI para pahintulutan ang paggamit ng kanilang nilalaman.

Halimbawa, pumayag ang AFP o Agence France-Presse na bigyan ng access ang AI model ng kumpanyang Mistral sa kanilang database na may dekada na ang kasaysayan.

Samantala, may ibang media outlet naman na nagsampa ng kaso laban sa mga AI developer dahil sa umano’y ilegal na paggamit ng kanilang mga nilalaman, gaya ng kasong isinampa ng The New York Times laban sa OpenAI, ang gumawa ng ChatGPT.

Bukod sa AI, binanggit din sa ulat ng Reuters na ang mga tradisyunal na media gaya ng telebisyon, radyo, pahayagan, at mga website ng balita ay unti-unting nawawalan ng bentahe sa harap ng social media at mga platform ng pagbabahagi ng video.

Halos kalahati ng mga sumagot na nasa edad 18 hanggang 24 ang nagsabing ang social media gaya ng TikTok ang pangunahing pinagmumulan nila ng balita, lalo na sa mga bansang gaya ng India, Brazil, Indonesia, at Thailand.

Ang pagbabagong ito sa paraan ng pagkuha ng balita ay may epekto rin sa kita ng mga kumpanya ng media.

Ayon pa sa ulat, ang pagbabagong ito ay nagbigay ng kalamangan sa mga pulitiko gaya nina dating Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos at Pangulong Javier Milei ng Argentina dahil nakakaaabot sila sa mga botante nang hindi na kailangang dumaan sa tradisyunal na media.

Comments

Latest Newsmore