Ang Digital Minister na si Audrey Tang (唐鳳) ay nagsalita sa forum. Nagsama-sama ang Radio Taiwan International at ang Association for International
Broadcasting upang mag-organisa ng isang forum about Taiwan sa London. Noong Biyernes, binuksan ni Pangulong Tsai Ing-wen (蔡英文) ang 2022 Taiwan Forum sa pamamagitan ng pre-recorded speech.
Nagsalita din sa kaganapan si Digital Minister Audrey Tang (唐鳳). Ibinahagi ni Tang ang karanasan ng Taiwan sa pagharap sa mga online na pag-atake at pagkontra sa
disinformation gamit ang nakakatawang content. Sinabi niya na ang Taiwan ay nahaharap sa maraming pag-atake mula sa mga hackers kasunod ng pagbisita ni US House Speaker Nancy Pelosi noong Agosto. Sinabi ni Tang na kahit walang na-leak na mahahalagang impormasyon, ang karanasang iyon ay nagpapataas ng kamalayan ng publiko tungkol sa kahalagahan ng kaligtasan sa internet.
Sinabi ni Ministro Tang na ang Taiwan ay isang matibay na isla. Sinabi niya na ang bansa ay may maraming paraan upang tumugon sa iba't ibang uri ng pag-atake. Sinabi ng ministro na ang layunin ng kanyang ministeryo ay pahusayin ang digital resilience at protektahan ang demokrasya ng Taiwan.
Ang pinuno ng Taiwan Digital Diplomacy Association na si Chiayo Kuo (郭家佑) ay nagsabi na ang kanyang organisasyon ay gumagamit ng mga meme at iba pang soft power na pamamaraan upang mapabuti ang imahe ng Taiwan sa mundo. Sinabi niya na ang digmaan sa Ukraine ay nagpakita ng kahalagahan ng internet sa mga modernong salungatan. Umaasa siya na ang mga pagsisikap sa digital na diplomasya tulad ng mula sa kanyang organisasyon ay magdadala ng mas maraming tao sa panig ng Taiwan.
Sinabi ni RTI Chairperson Cheryl Lai (賴秀如) na pinagsasama-sama ng pambansang broadcaster ng Taiwan ang lakas ng gobyerno at civil society para pamunuan ang partisipasyon ng Taiwan sa mga internasyonal na event. Sinabi niya na ito ay nagpapakita na ang Taiwan ay maaaring umako sa responsibilidad ng isang demokratikong kaalyado.