close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Pilipinas Muling Nagpadala ng Barko sa Sabina Shoal; Opisyal: Walang Naulat na Anumang Mapanganib na Insidente

  • 26 September, 2024
  • 汪馬雪莉
Pilipinas Muling Nagpadala ng Barko sa Sabina Shoal; Opisyal: Walang Naulat na Anumang Mapanganib na Insidente
Schematic diagram. Philippine Coast Guard patrol ship

Ang Philippine Coast Guard (PCG) kamakailan ay muling nagpadala ng isang barko sa bahagi ng South China Sea malapit sa Sabina Shoal. Ayon sa ulat ng ABS-CBN, sinabi ng opisyal ng PCG na walang anumang ulat ng mapanganib o agresibong insidente.

Ayon kay Ronnie Gil Gavan, isang komandante ng PCG, patuloy na may mga barko ng China na umiikot sa Sabina Shoal, ngunit wala namang naitalang komprontasyon laban sa mga barkong Pilipino.

Hindi nagbigay ng iba pang detalye si Gavan ngunit binigyang-diin na ang Pilipinas ay magpapanatili ng “strategic presence” sa lugar na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.

Ang Sabina Shoal ay matatagpuan 75 milya mula sa Palawan. Iginigiit ng Pilipinas, alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na bahagi ito ng kanilang 200-nautical-mile EEZ. Samantala, ang China naman ay inaangkin ang lugar batay sa kanilang kasaysayan.

Noong Abril, ipinalagay ng PCG ang BRP Teresa Magbanua sa Sabina Shoal upang bantayan ang mga aktibidad ng China, lalo na ang reclamation. Gayunpaman, dahil sa ilang insidente ng sagupaan at harangan ng China, ang nasabing barko ay bumalik sa base noong Setyembre 15.

Pagkalipas ng limang araw, kinumpirma ng National Security Adviser na si Eduardo Año na isang bagong barko ang ipinadala sa lugar, ngunit ito ay pansamantalang humimpil dahil sa masamang panahon.

Samantala, ayon sa international maritime observer na si Ray Powell, wala silang namonitor na barko ng Pilipinas sa Sabina Shoal. Posible raw na sinadyang pinatay ng Pilipinas ang automatic identification system (AIS) ng barko upang hindi matunton ang kanilang lokasyon.

Sa kabila ng mga nakaraang insidente ng komprontasyon, inihayag ni Alexander Lopez, tagapagsalita ng National Maritime Committee (NMC), na hindi na isisiwalat ng Pilipinas ang lokasyon at mga detalye ng mga patrol mission ng kanilang mga barko upang maiwasan ang pagharang ng China.

Comments

Latest Newsmore