Habang patuloy ang tensyon sa South China Sea sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, inilabas ng Pilipinas ang anunsyo ng karagdagang pagbili ng 12 FA-50 light fighter jets mula South Korea, na inaasahang maihahatid simula 2030.
Ayon sa Department of National Defense (DND) ng Pilipinas sa pahayag nitong ika-14 ng Hunyo, nilagdaan na nito ang kontrata sa Korea Aerospace Industries (KAI) mas maaga ngayong buwan, para sa 12 FA-50 Block 70 na eroplano.
Batay sa pahayag, aabot sa 700 milyong US dolyar ang kabuuang halaga ng transaksyon, na kinabibilangan ng mga kagamitang kailangan para sa operasyon, integrated logistics support, training programs, at logistic information systems.
Ito rin ang pinakamalaking single defense procurement ng pamahalaang Pilipino mula sa isang banyagang kumpanya sa ilalim ng kasalukuyang Modernization Program ng Sandatahang Lakas.
Nauna nang bumili ang Pilipinas ng 12 FA-50 fighter jets mula South Korea noong 2015 hanggang 2017, ngunit isa sa mga ito ay bumagsak noong Marso ngayong taon habang isinasagawa ang isang tactical night mission, at parehong piloto ang nasawi.
Mula nang maupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ilang beses nang inakusahan ng Pilipinas ang China ng "agresibong pagpapatrolya" sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea — kabilang ang pagbangga sa mga barkong Pilipino, paggamit ng water cannon, pananakot, at pagputok ng flares sa flight path ng mga Philippine patrol aircraft.
Bukod sa FA-50, sinusuri rin ng DND ang posibilidad ng pagbili ng iba pang klase ng multi-role fighter jets para sa Philippine Air Force.
Sa isang panayam noong Mayo, aminado si Philippine Ambassador to the U.S. Jose Manuel Romualdez na nais talaga ng Pilipinas na magkaroon ng F-16 fighter jets, upang mas mapahusay ang interoperability o kakayahang makipagsanib-puwersa sa mga bansang kaalyado, pero mahal ang halaga ng mga ito at malaking hamon ito para sa badyet ng bansa.