close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Pagpupulong nina Biden at Trump sa White House, Nangako ng Maayos na Paglilipat ng Kapangyarihan

  • 14 November, 2024
  • 汪馬雪莉
Pagpupulong nina Biden at Trump sa White House, Nangako ng Maayos na Paglilipat ng Kapangyarihan
U.S. President-elect Donald Trump and current President Joe Biden met at the White House on the 13th. (Photo: @POTUS)

Nagpulong sa White House noong ika-13 ng Nobyembre sina Pangulong Joe Biden at ang bagong halal na Pangulong Donald Trump, dalawang matagal nang magkatunggali sa pulitika. Parehong nangako ang dalawa na maayos na magaganap ang paglilipat ng kapangyarihan sa darating na Enero 2024.

Magkatabing nakaupo ang dalawang lider ng Estados Unidos sa Oval Office sa harap ng fireplace, isang kalmadong eksena na tila nagkukubli sa tensyon sa pagitan nila.

Ayon sa tagapagsalita ng White House na si Karine Jean-Pierre, natapos ang pulong matapos ang humigit-kumulang dalawang oras. Sinabi ni Jean-Pierre sa mga mamamahayag, "Isang makahulugang pagpupulong ito," at idinagdag na tinalakay nila ang mahahalagang isyung pang-seguridad at mga patakarang pambansa at pandaigdig.

Ayon kay Jake Sullivan, Pambansang Security Adviser ng White House, sinabi ni Biden na ang pagsuporta sa Ukraine ay mahalaga sa interes ng seguridad ng Estados Unidos dahil ang malakas at matatag na Europa ay makakapigil sa pagkakasangkot ng Amerika sa digmaan. Samantala, si Trump ay nangakong agad tatapusin ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine ngunit hindi nagbigay ng paliwanag kung paano niya ito gagawin.

Sa isang panayam sa New York Post, sinabi ni Trump na "marami silang napag-usapan tungkol sa Gitnang Silangan" sa kanilang pulong. Sinabi rin ni Trump, "Gusto kong malaman ang pananaw niya sa kasalukuyang kalagayan natin," at idinagdag na si Biden ay "napakabait" sa kanyang pakikipag-usap.

Matatandaang natalo ni Biden si Trump sa halalan noong 2020, ngunit matapos ang isang hindi maganda at magulong debate kay Trump, nagpasya si Biden na umatras sa pagtakbo sa 2024 presidential election nitong Hulyo. Pinalitan siya ni Bise Presidente Kamala Harris bilang kandidato ngunit natalo kay Trump.

Sinabi ni Biden, “Gaya ng napag-usapan natin, inaasahan namin ang isang maayos na paglilipat ng kapangyarihan, at gagawin namin ang lahat upang matiyak na makuha mo ang lahat ng kailangan mo. Malugod kitang tinatanggap, Donald.”

Si Trump, na magiging pangulo sa Enero 20, ay nagsabi, “Mahirap ang pulitika, at sa maraming pagkakataon, hindi ito isang magandang mundo. Ngunit ngayong araw ay isang magandang araw, at nagpapasalamat ako sa napakaayos na paglilipat. Maraming salamat, Joe.”

Bagamat nagtatanong ang mga mamamahayag sa loob ng Oval Office, agad din silang pinalabas.

Nang manalo si Biden noong 2020, hindi pinalawig ni Trump ang tradisyunal na pagbibigay-pugay sa bagong halal na pangulo sa Oval Office.

Ito ay kabaligtaran ng mahabang taon ng matinding batikos ng dalawang kampo sa isa’t isa, lalo na sa mga isyu mula sa pagbabago ng klima, Russia, at kalakalan.

Ayon kay Jean-Pierre, sa pulong, binigyang-diin ni Biden ang kanyang mga prayoridad bago siya umalis sa Kongreso, kabilang ang pondo para sa gobyerno at karagdagang tulong sa mga nasalanta ng sakuna. Dumalo rin sa pulong ang hepe ng staff ni Biden, si Jeff Zients, at ang hepe ng staff ni Trump, si Susie Wiles.

Sinabi ni Jean-Pierre na sa pag-imbita ni Biden kay Trump, pinapakita nito ang kanyang paniniwala sa proseso, sa sistema ng gobyerno, at sa mapayapang paglilipat ng kapangyarihan.

Kasama ni Biden ang Unang Ginang Jill Biden sa pagtanggap kay Trump. Ayon sa White House, sumulat si Jill ng isang liham na pagbati kay Trump at sa kanyang asawa, si Melania, at ipinaabot ang kahandaan ng kanyang grupo na tumulong sa proseso ng paglilipat.

Tinawag ni Biden, na 81 taong gulang, si Trump bilang banta sa demokrasya, habang si Trump, na 78 taong gulang, ay binansagan naman si Biden na walang kakayahan. Matatandaang matapos ang pagkatalo ni Trump kay Biden noong 2020, naglabas si Trump ng mga walang batayang pahayag na may naganap na malawakang pandaraya sa halalan.
 

Comments

Latest Newsmore