close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Defense Secretary ng Pilipinas: Malabong Maging Posible ang "NATO ng Asya"

  • 21 November, 2024
  • 汪馬雪莉
Defense Secretary ng Pilipinas: Malabong Maging Posible ang
Si Philippine Defense Secretary Gilberto Teodoro. (Photo: Central News Agency)

Sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro ng Pilipinas na dahil sa magkakaibang interes at alyansa ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya, malabong makabuo ng isang samahang pangkaligtasan tulad ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) sa rehiyon.

Sa isang forum sa seguridad na ginanap sa Maynila, tinanong si Teodoro tungkol sa posibilidad ng pagtatayo ng isang samahan tulad ng NATO sa Timog-Silangang Asya. Ipinunto niya na ang "mga pagkakaiba at magkakasalungat na interes" sa loob ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang nagpapahirap sa pagtatatag ng isang pinag-isang alyansang militar. Aniya, “Halimbawa, bago pa man mabuo ang ASEAN, mayroon na kaming alyansang pangdepensa sa Estados Unidos. Patuloy kaming makikipag-alyansa sa mga bansang may kaparehong paniniwala.”

“Ang iba pang mga bansang ASEAN ay nakipag-alyansa sa China.”

Bago ang pahayag ni Teodoro, iminungkahi ni Shigeru Ishiba, bagong punong ministro ng Japan, ang ideya ng "NATO ng Asya" bago siya manungkulan, ngunit walang sumuporta sa panukala na ito at tinanggihan pa nga ito ng Estados Unidos at India.

Nang tanungin ang Foreign Minister ng Japan na si Takeshi Iwaya kung ang "NATO ng Asya" ay nakatuon laban sa China, sinabi niyang ang ganitong uri ng alyansa ay hindi para sa anumang partikular na bansa.

Sinabi naman ni Teodoro na mas gusto niyang kilalanin ng ASEAN ang paglabag ng China sa teritoryo ng South China Sea. Kamakailan, nagkaroon ng sunud-sunod na tensyon sa pagitan ng China at mga bansang Pilipinas, Vietnam, at Indonesia tungkol sa kanilang mga pag-angkin sa rehiyon.

Dahil sa serye ng mga insidente sa mga pinag-aagawang lugar sa South China Sea, lumalalim ang hindi pagkakasundo sa pagitan ng China at ng Pilipinas, isang kaalyado ng Estados Unidos. Inaakusahan ng Manila ang Chinese Coast Guard ng mga agresibong aksyon, habang sinasabi naman ng Beijing na ito ay tugon sa umano'y mga provokasyon at pagpasok sa kanilang teritoryo.

Nanawagan na ang Pilipinas sa mga lider ng ASEAN at China na bilisan ang negosasyon sa Code of Conduct sa South China Sea upang mapamahalaan ang mga hindi pagkakaintindihan at mabawasan ang tensyon.

Noong 2016, nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands, na walang legal na basehan ang pag-angkin ng China sa South China Sea, na pabor sa Pilipinas na naghain ng kaso. Tumanggi ang Beijing na kilalanin ang naturang desisyon.

Comments

Latest Newsmore