close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Ika-anim na Bagyo sa Loob ng Isang Buwan: Super Typhoon Man-yi Papalapit sa Pilipinas

  • 19 November, 2024
  • 何薇薇
Ika-anim na Bagyo sa Loob ng Isang Buwan: Super Typhoon Man-yi Papalapit sa Pilipinas

Inatasan ng mga awtoridad ng Pilipinas nung Nobyembre 16 ang lahat ng barko na bumalik sa dalampasigan at inilikas ang mga residente sa baybaying lugar dahil sa paparating na Super Typhoon Man-yi. Ayon sa ulat ng panahon, inaasahan pang lalakas ang bagyo bago ito tumama sa lupa.

Ang Bagyong Man-yi ang magiging ika-anim na malakas na bagyong tumama sa Pilipinas sa loob lamang ng isang buwan. Ang sunud-sunod na kalamidad ay nagdulot na ng hindi bababa sa 163 na pagkamatay, libu-libong nawalan ng tirahan, at malaking pinsala sa mga pananim at alagang hayop.

May dala ang bagyo ng hanging umaabot sa 215 kilometro kada oras (133 milya kada oras). Inaasahan itong tatama sa probinsyang Catanduanes, isang lugar na may kakaunting populasyon, ngayong gabi o sa madaling araw ng Nobyembre 17.

Ayon kay Undersecretary Marlo Iringan ng Department of the Interior and Local Government, humigit-kumulang 255,000 katao na nakatira sa mga lugar na madaling tamaan ng landslide, pagbaha, at storm surge ang na-evacuate na. Nanawagan din siya sa iba pang residente na mag-ingat at agad sumunod sa mga abiso ng evacuation.

"Kung kinakailangang lumikas kaagad, gawin natin ito. Huwag nating hintayin ang peligro bago tayo kumilos o humingi ng tulong. Kapag ginawa natin ito, hindi lamang buhay natin ang nasa panganib, kundi pati na rin ang buhay ng mga rescue personnel," ani Iringan.

Ayon sa mga siyentipiko, pinalalakas ng pagbabago ng klima ang mga bagyo, nagdudulot ng mas matitinding ulan, pagbaha, at mas malalakas na hangin. Kada taon, halos 20 malalaking bagyo ang tumatama sa Pilipinas o sa kalapit nitong karagatan, at bagamat karaniwan ang ganitong mga kalamidad, bihira ang pagdami ng malalakas na bagyo sa ganitong kaikling panahon.

Comments

Latest Newsmore