close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Sigalot ng Pilipinas at Tsina sa South China Sea, Umabot na sa United Nations

  • 18 December, 2024
  • 何薇薇
Sigalot ng Pilipinas at Tsina sa South China Sea, Umabot na sa United Nations

Ang hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina tungkol sa South China Sea ay umabot na sa United Nations. Nitong Disyembre, nagsumite ang Tsina ng opisyal na deklarasyon sa UN na nagsasaad ng baseline ng territorial sea ng Scarborough Shoal, kalakip ang mga kaugnay na mapa. Tumugon naman ang delegasyon ng Pilipinas sa UN, iginiit na ang Scarborough Shoal ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas, at tanging ang Pilipinas ang may karapatang magtakda ng baseline nito.

Noong Nobyembre 8, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine Maritime Zones Act at ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act. Ayon kay Rep. Rufus Rodriguez, sa pamamagitan ng mga batas na ito, isinama ng Pilipinas ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sa pambansang batas upang mapalakas ang kakayahan sa pangangasiwa ng karagatan, pagpapabuti ng maritime policy, at pagsusulong ng kaunlarang pang-ekonomiya at pambansang seguridad.

Bilang tugon, noong Disyembre 2, isinumite ni Geng Shuang, Deputy Permanent Representative ng Tsina sa UN, ang deklarasyon ng gobyerno ng People's Republic of China hinggil sa baseline ng territorial sea ng Scarborough Shoal, kasama ang kaugnay na mga mapa. Ayon sa Tsina, ito ay lehitimong hakbang upang ipagtanggol ang kanilang teritoryo at maritime rights.

Matatandaang noong Enero 2013, inihain ng Pilipinas ang usapin sa International Arbitration. Noong Hulyo 2016, nagpasya ang Permanent Court of Arbitration na nakabase sa The Hague na walang bisa sa ilalim ng pandaigdigang batas ang "nine-dash line" ng Tsina bilang batayan ng kanilang pag-angkin sa South China Sea.

Pinagtibay din ng korte na eksklusibong karapatan ng Pilipinas ang mga yamang matatagpuan sa loob ng kanilang exclusive economic zone. Gayunpaman, hindi tinanggap o kinilala ng Beijing ang naturang desisyon.

Comments

Latest Newsmore