Sa pagsisimula ng Disyembre, muling pinaalalahanan ng Bureau of Immigration (BI) ng Pilipinas nuong (Disyembre 2) ang lahat ng dayuhang empleyado ng offshore gaming industry na kinakailangang lisanin ang bansa bago matapos ang taon. Ang mga hindi susunod ay mapapalayas at ilalagay sa blacklist.
Naglabas ng abiso si Joel Anthony Viado, Komisyoner ng Bureau of Immigration, upang ipaalala sa mga dayuhang empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na mayroon na lamang silang mahigit isang buwan upang ayusin ang kanilang pag-alis sa bansa.
Ang offshore gaming industry sa Pilipinas ay binubuo ng mga online gambling companies na karamihan ay may mga empleyado mula sa Tsina, Malaysia, Indonesia, Myanmar, at Taiwan. Ang pangunahing kliyente ng industriya ay mga Tsino.
Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na maraming offshore gambling companies ang sangkot sa mga ilegal na aktibidad tulad ng panloloko sa pananalapi, money laundering, prostitusyon, human trafficking, kidnapping, pagmamalupit, at maging pagpatay. Dahil dito, ipinag-utos niyang tuluyang ipasara ang industriya bago matapos ang 2024.