Ayon sa ulat ng Reuters, ang bagong talagang Foreign Minister ng Syria na si Asaad Hassan al-Shibani ay nagbigay babala sa Iran noong ika-24 ng Disyembre na huwag magpakalat ng kaguluhan sa Syria, kundi igalang ang kagustuhan ng mga mamamayan nito at ang soberanya ng bansa.
Sa isang post sa social media platform na X, sinabi ni Shibani na dapat igalang ng Iran ang kagustuhan ng mga mamamayan ng Syria, pati na rin ang kanilang soberanya at seguridad. Binalaan niya ang Iran na huwag maghasik ng kaguluhan sa Syria at ipinahayag na pananagutin nila ang Iran para sa mga kahihinatnan ng kamakailang mga pahayag nito.
Hindi binanggit ni Shibani kung aling pahayag ang kanyang tinutukoy.
Noong ika-22 ng Disyembre, sa isang televised speech, nanawagan si Iranian Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei sa mga kabataang Syrian na manatiling matatag at labanan ang mga nasa likod ng mga kaguluhang nangyayari sa bansa.
Sinabi ni Khamenei, "Inaasahan namin na magkakaroon din ng isang malakas at kagalang-galang na grupo sa Syria, dahil ang mga kabataan ng Syria ngayon ay halos wala nang natitirang mawawala. Ang kanilang mga paaralan, unibersidad, pamilya, at mga lansangan ay hindi na ligtas."
Dagdag pa ni Khamenei, kailangang labanan ng mga kabataan ang mga nagplano at nagsagawa ng mga kaguluhang ito at talunin sila.
Matapos ang 13 taong digmaang sibil, bumagsak ang rehimen ni Syrian President Bashar al-Assad noong ika-8 ng Disyembre, dahil sa tagumpay ng Syrian opposition forces.
Ginastos ng Iran ang bilyon-bilyong dolyar upang suportahan ang gobyerno ni Bashar al-Assad sa panahon ng digmaang sibil sa Syria at nagpadala pa ng mga pwersa mula sa Revolutionary Guards upang mapanatili ang kanyang pamumuno.
Ang pagbagsak ni Assad ay malawakang itinuturing na isang matinding dagok sa Iran-led Axis of Resistance, isang pampulitikang at militar na alyansa na tumututol sa impluwensya ng Israel at Estados Unidos sa Gitnang Silangan.