Inaprubahan ng Gabinete ng Thailand nuong (Ika-13 ng Enero) ang isang kontrobersyal na panukalang batas na naglalayong gawing legal ang pagsusugal sa loob ng mga itinakdang "Integrated Entertainment Zones" upang mapalakas ang industriya ng turismo at lumikha ng mga oportunidad sa trabaho.
Sa ilalim ng iminungkahing batas, papayagan ang pagtatayo ng mga casino sa loob ng mga "Integrated Entertainment Zones," na kinabibilangan ng mga theme park, water park, hotel, at shopping mall.
Sa kasalukuyan, ang pagsusugal sa Thailand ay legal lamang sa mga pambansang karerahan ng kabayo at sa opisyal na lotto, ngunit laganap pa rin ang ilegal na pagsusugal sa bansa.
Ayon kay Punong Ministro Paetongtarn Shinawatra, "Ang aming layunin ay pataasin ang kita mula sa buwis, suportahan ang mga pamumuhunan sa Thailand, at labanan ang ilegal na pagsusugal."
Sinabi naman ni Deputy Finance Minister Julapun Amornvivat na umaasa ang gobyerno na makakatulong ang mga entertainment zones upang madagdagan ng 5% hanggang 10% ang bilang ng mga turista at makalikha ng hanggang 15,000 bagong trabaho.
Hindi pa inaanunsyo kung saan itatayo ang mga planong entertainment zones at kung kailan sisimulan ang konstruksyon.
Bagama’t maraming ilegal na casino sa mga kalapit na bansa tulad ng Cambodia, Laos, at Myanmar, matagal nang tinututulan ng mga konserbatibong grupo sa Thailand ang legalisasyon ng pagsusugal.
Samantala, nagbabala ang United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) sa isang ulat noong nakaraang taon na ginagamit ng mga organisadong kriminal ang mga casino sa Timog-Silangang Asya para sa malawakang money laundering.