close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

WTO Secretary General Nagbabala: Trade War Maaaring Mauwi sa Pag-uulit ng Great Depression ng 1930s

  • 30 January, 2025
  • 汪馬雪莉
WTO Secretary General Nagbabala: Trade War Maaaring Mauwi sa Pag-uulit ng Great Depression ng 1930s
World Trade Organization (WTO) Secretary General Ngozi Okonjo-Iweala. (AFP)

Nagbabala si Ngozi Okonjo-Iweala, Kalihim-Heneral ng World Trade Organization (WTO), at si Valdis Dombrovskis, European Commission Trade Commissioner, noong ika-23 ng Enero sa World Economic Forum (WEF) na ang muling pagsiklab ng trade war na maaaring pasimulan ni US President Donald Trump ay magdudulot ng malubhang epekto. Sa kanilang talumpati, ginamit nila ang Great Depression noong 1930s bilang babala, kung saan ang mga trade war at proteksyonismo ay nagtulak sa global na pagbagsak ng ekonomiya.

Sa isang sesyon na pinamagatang "Debating Tariffs," na ginanap noong ika-23 ng Enero, naging sentro ng usapan ang banta ng trade war na dulot ng panukalang taripa ni Trump sa iba’t ibang trading partners.

Sinabi ni Okonjo-Iweala na ang mga trade tools tulad ng taripa ay maaaring maging kapaki-pakinabang, ngunit ito rin ay madaling maabuso bilang pampulitikang sandata upang lutasin ang mga problemang hindi dulot ng kalakalan. Bilang halimbawa, ipinaliwanag niya na ang trade surplus ng isang bansa ay maaaring dahil sa kakulangan ng lokal na konsumo, na isang isyung pang-ekonomiya at hindi problema ng kalakalan. Dagdag pa niya, ang pagkawala ng manufacturing jobs sa Estados Unidos ay mas dulot ng automation at teknolohiyang pagbabago, at hindi ng trade. Sa kabilang banda, ang trade ng serbisyo ay nagbigay ng maraming oportunidad sa trabaho para sa US, na patuloy na nakikinabang sa global trade.

Parehong binanggit nina Okonjo-Iweala at Dombrovskis ang mga leksyong natutunan mula sa mga taripa at proteksyonismo noong 1930s, na nagdulot ng matinding pagbagsak sa pandaigdigang ekonomiya. Nagbabala sila na hindi dapat ulitin ang ganitong trahedya.

Pinayuhan ni Okonjo-Iweala ang mga gobyerno na iwasan ang paghihiganti sa pamamagitan ng taripa na maaaring magresulta sa "self-fulfilling prophecy" at magdala ng pandaigdigang pag-urong. Aniya, "Makikita natin ang double-digit na pagbagsak ng pandaigdigang ekonomiya, at magiging mapaminsala ito. Lahat ay magdurusa, lalo na ang mga mahihirap na bansa."

Kahit na sa isang mas banayad na senaryo, tulad ng pagkakahati ng mundo sa dalawang trade blocs, tinatayang mawawala ang 6.4% ng global economic output, o halos $6.75 trilyon (tinatayang ₱221 trilyon), na katumbas ng ekonomiya ng Japan at South Korea na pinagsama. Ito ay magdudulot pa rin ng malawakang pinsala sa lahat.

Binigyang-diin din ni Okonjo-Iweala na ang mga hidwaan sa kalakalan ay dapat resolbahin sa pamamagitan ng matibay na imbestigasyon at maingat na pagtugon. Binanggit niya ang ongoing na negosasyon ng EU at China ukol sa anti-subsidy investigation sa mga electric vehicles bilang isang halimbawa ng diplomatikong solusyon. Bagama’t mahirap ang proseso, nanawagan siya na ipagpatuloy ang ganitong paraan ng diyalogo. Idinagdag pa niya na ang transparency ng China sa WTO ay resulta ng tuluy-tuloy na negosasyon, ngunit nararamdaman niyang lumalala ang kawalan ng tiwala sa pagitan ng mga pangunahing bansa.

Ayon kay Okonjo-Iweala, inabot ng mahabang panahon bago bumaba ang mga taripa sa mundo, kaya’t mahalagang panatilihin ang kasalukuyang mataas na antas ng global trade at huwag nang balikan ang nakaraan.

Samantala, bagama’t ginagamit ni Trump ang mahina umanong estado ng ekonomiya ng US bilang dahilan ng kanyang bagong trade policies, sinabi ni Dombrovskis na, maliban sa isyu ng hindi pantay na kita, mahusay ang performance ng ekonomiya ng US. Pinunto rin niya na ang EU at US ay strategic partners, na ang kanilang bilateral trade ang pinakamalaking bahagi ng pandaigdigang kalakalan. Dagdag pa niya, mahalaga ang kanilang kooperasyon sa pagharap sa mga authoritarian regimes na humahamon sa internasyonal na kaayusang nakabatay sa batas.

Comments

Latest Newsmore