Ang Pangalawang Kinatawan ng Taiwan sa Pilipinas, si Li Ting-sheng, na dating piloto ng hukbong panghimpapawid, ay nakipagpulong nuong (24 ng Enero) sa mga miyembro ng Model United Nations Society ng Unibersidad ng Pilipinas upang suriin ang sitwasyon sa Taiwan Strait at South China Sea. Binigyang-diin niya na ang Taiwan at Pilipinas ay "magkakapit-bisig" at dapat magtulungan upang harapin ang mga karaniwang banta.
Labinsiyam (19) na miyembro ng Model United Nations Society ng Unibersidad ng Pilipinas ang bumisita sa Taipei Economic and Cultural Office (TECO) sa umaga upang higit pang maunawaan ang ugnayan ng Taiwan at Pilipinas sa larangan ng seguridad, kalakalan, at edukasyon.
Sa kanyang talumpati, tinalakay ni Li Ting-sheng ang sitwasyon sa Taiwan Strait at South China Sea sa taong 2025, kabilang ang grey-zone tactics at estratehiya ng Tsina sa rehiyon. Inilahad din niya ang mga aksyong militar ng Tsina laban sa Taiwan mula 2022 hanggang 2024.
Bilang dating Pangalawang Kumandante ng Hukbong Panghimpapawid at Pangalawang Chief of General Staff, napansin ni Li Ting-sheng na pinaiigting ng Tsina ang presyon sa Taiwan at Pilipinas gamit ang estratehiyang may pagkakahawig sa larong "Go." Aniya, ang mga pagsasanay militar ng Tsina ay lalo pang lumalapit sa Taiwan, habang ang mga paggalaw at panggigipit nito sa South China Sea ay palapit nang palapit sa teritoryo ng Pilipinas.
Samantala, noong 2024, mahigit 400,000 na Pilipino ang bumisita sa Taiwan bilang turista, habang 300,000 na Taiwanese naman ang bumisita sa Pilipinas.
Nagbigay rin ng presentasyon ang Education Section ng TECO tungkol sa mga scholarship ng Taiwan, kabilang ang Mandarin Language Scholarship at iba pang natatanging programa sa turismo. Inaanyayahan ni Li Shih-ping, pinuno ng Education Section, ang mga mag-aaral sa Pilipinas na magpatuloy ng kanilang pag-aaral o bumisita sa Taiwan bilang turista.