Pinagdududahan ng ilan kung nakuha ng DeepSeek ang mga chip ng NVIDIA, na sakop ng export control ng Estados Unidos, sa pamamagitan ng mga middleman sa Singapore. Kaugnay nito, nanawagan ang mga mambabatas ng U.S. na higpitan ang kontrol sa pag-export ng NVIDIA upang labanan ang DeepSeek. Tumugon naman ang pamahalaan ng Singapore na ito ay isang internasyonal na sentro ng kalakalan kung saan maraming malalaking kumpanya ang may operasyon. Ipinahayag nilang patuloy na makikipagtulungan ang kanilang customs at mga ahensya sa pagpapatupad ng batas sa mga katumbas na opisina sa U.S.
Matapos ilunsad ang DeepSeek na kilala bilang low-cost at high-performance na modelo ng artificial intelligence (AI), isang grupo ng mga mambabatas mula sa magkabilang partido sa Amerika ang sumulat sa National Security Advisor upang hilingin na higpitan ang pag-export ng H20 chips ng NVIDIA na nakalaan para sa China. Ayon sa mga mambabatas, 22% ng kita ng NVIDIA ay nagmumula sa Singapore, dahilan para palakasin pa ang kontrol sa pagbiyahe ng mga chip sa mga third-party na bansa.
Habang isinasagawa ng Estados Unidos ang imbestigasyon kung gumagamit ang DeepSeek ng mga chip na sakop ng export control, at kung naipapadala ang mga ito sa China sa pamamagitan ng mga bansang gaya ng Singapore, naglabas ng pahayag ang Ministry of Trade and Industry (MTI) ng Singapore. Anila, mahigpit nilang pinangangalagaan ang rule of law at inaasahan nilang susunod ang mga kumpanyang Amerikano, gaya ng NVIDIA, sa mga batas sa export control ng U.S. at mga regulasyon sa Singapore. Patuloy din umano ang kanilang kooperasyon sa mga kaukulang ahensya ng Amerika.
Ipinunto rin ng MTI na base sa pinakahuling quarterly financial report ng NVIDIA, umaabot sa 22% ng kita ng kumpanya ang nagmumula sa Singapore. Gayunpaman, binanggit sa ulat na karamihan sa mga produktong naiuugnay sa kita mula sa Singapore ay ini-export pa rin sa ibang mga rehiyon at hindi nananatili sa Singapore. Kaunti lamang umano ang aktwal na shipment na nananatili sa bansa.
Bilang isang internasyonal na sentro ng negosyo, maraming malalaking kumpanya mula sa U.S. at Europa ang may malalaking operasyon sa Singapore. Ayon sa NVIDIA, maraming kliyente ang gumagamit ng kanilang mga negosyo sa Singapore para sa procurement ng chips na iluluwas sa U.S. at iba pang bansa sa Kanluran.
Dagdag pa ng NVIDIA sa pahayag na inilabas ng MTI, “Wala kaming dahilan upang maniwala na ang DeepSeek ay nakakakuha ng anumang mga produktong sakop ng export control mula sa Singapore.”
Samantala, binigyang-diin ni David Sacks, opisyal ng White House para sa AI at cryptocurrency, sa isang episode ng "All-In Podcast" ang pag-usbong ng teknolohiyang AI sa China. Tinalakay sa programa ang posibilidad na ginagamit ng DeepSeek ang mga kumpanyang nakabase sa Singapore upang iwasan ang mga export restriction, na tinaguriang “backdoor” o lihim na paraan para makalusot sa mga patakaran. Pinangangambahan na maaaring gamitin ng China ang mga estratehiyang ito, tulad ng pag-dismantle ng mga ipinagbabawal na chip para ideklara itong civil-use sa customs.
Batay sa ulat ng Lianhe Zaobao, isang pahayagan sa Singapore, lumalabas sa pinakahuling financial report ng NVIDIA hanggang Oktubre 27, 2024, na ang Singapore ang ikalawang pinakamalaking merkado ng kumpanya, kasunod lamang ng mainland U.S. Sa loob ng tatlong buwan bago ang petsa ng ulat, umabot sa $7.697 bilyon ang kita ng NVIDIA mula sa Singapore.
Ayon sa tagapagsalita ng NVIDIA, ang kita mula sa Singapore ay hindi nangangahulugang ang mga chips ay nai-export patungong China. Paliwanag nila, ang mga revenue figure ay batay sa billing address ng kliyente at hindi sa aktwal na destinasyon ng produkto. Dagdag pa nila, “Ipinag-uutos namin sa lahat ng aming mga kasosyo na sumunod sa batas, at kung makakakita kami ng anumang paglabag, agad naming ipapatupad ang kaukulang aksyon.”