close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Pilipinas Sumagot sa Tsina: Hindi Kailanman Nangakong Aalisin ang Typhon Missile System ng U.S.

  • 17 February, 2025
  • 何薇薇
Pilipinas Sumagot sa Tsina: Hindi Kailanman Nangakong Aalisin ang Typhon Missile System ng U.S.

Pinabulaanan ng mga opisyal ng seguridad ng Pilipinas nuong Pebrero 14 ang pahayag ng Ministri ng Ugnayang Panlabas ng Tsina, na nagsasabing hindi kailanman nangako ang Pilipinas na aalisin ang Typhon Missile System na idineploy ng U.S. military.

Ayon kay Jonathan Malaya, tagapagsalita ng National Security Council (NSC) ng Pilipinas, hindi kailanman nangako ang gobyerno ng Pilipinas sa Tsina na aalisin ang Typhon missile system mula sa bansa.

Noong Pebrero 12, inakusahan ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun ang Pilipinas ng paulit-ulit na pagbaligtad sa kanilang mga pahayag, matapos sabihin na pansamantala lamang ang deployment ng Typhon missile system, ngunit ngayon ay nagpaplanong bumili ng mid-range missile system. Dagdag pa niya, ang pag-uugnay ng Pilipinas sa isyu ng South China Sea at Typhon missile system ay "lubhang mapanganib."

Sa tugon ni Malaya, iginiit niyang walang ginawang pribado o pampublikong pangako ang Pilipinas sa Tsina ukol sa pagbawi ng mga missile, kaya’t hindi malinaw kung saan nanggagaling ang mga paratang ng Beijing. Tinawag din niyang "hindi naaangkop" ang mga pahayag ng Tsina.

Binigyang-diin din ni Malaya na may karapatan ang Pilipinas na palakasin ang kakayahang pangdepensa nito, tulad ng ginagawa rin ng Tsina. Aniya, kahit patuloy na nagsasagawa ng missile tests at pagpapalakas ng kakayahang pandigma ang Beijing, hindi ito pinakikialaman ng Maynila.

Ang Typhon ay isang mid-range land-based missile system ng U.S. military na may kakayahang maglunsad ng Standard Missile 6 (SM-6) at Tomahawk Land Attack Missiles. Kung ide-deploy ito sa hilagang bahagi ng Luzon, maaari nitong maabot ang timog-silangang baybayin ng Tsina at mga base militar nito sa South China Sea.

Noong Abril ng nakaraang taon, nag-deploy ang U.S. military ng Typhon missile system sa isang hindi isiniwalat na lokasyon sa Luzon bilang bahagi ng isang joint military exercise. Hanggang ngayon, hindi pa ito inaalis sa bansa, sa kabila ng paulit-ulit na babala ng Beijing na maaaring magdulot ito ng "arms race" sa rehiyon. Patuloy ding hinihimok ng Tsina ang Pilipinas na alisin ang naturang sistema.

Samantala, noong nakaraang buwan, sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na aalisin lamang ang Typhon missile system kung titigil ang Tsina sa panghihimasok sa soberanya ng Pilipinas sa South China Sea.

Sa kabilang banda, muling iginiit ng tagapagsalita ng Philippine Navy na si Roy Vincent Trinidad na ang presensya ng Typhon missile system sa Pilipinas ay para sa layuning pagsasanay at military exercises. Ayon sa kanya, ito ay makakatulong upang maging pamilyar ang mga sundalong Pilipino sa makabagong kagamitang pandigma.

Comments

Latest Newsmore