close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Tinanggal na sa Grey List ng Money Laundering, Anti-Money Laundering Council Ikinatuwa ng Pilipinas ang Makasaysayang Hakbang

  • 24 February, 2025
  • 何薇薇
Tinanggal na sa Grey List ng Money Laundering, Anti-Money Laundering Council Ikinatuwa ng Pilipinas  ang Makasaysayang Hakbang

Ayon sa ulat ng Agence France-Presse (AFP), ipinahayag ng Pilipinas nuong Pebrero 22 ang kasiyahan nito matapos itong matanggal mula sa global financial "grey list"—isang listahan ng mga bansang mahigpit na binabantayan dahil sa posibleng kaugnayan sa money laundering at terorismo. Ang pagiging kabilang sa listahang ito ay maaaring magdulot ng negatibong epekto sa pandaigdigang transaksyon sa pananalapi.

Mula pa noong 2021, ang Pilipinas ay nasa ilalim ng Financial Action Task Force (FATF), isang pandaigdigang grupo na nagmomonitor ng mga bansang kailangang pagbutihin ang kanilang sistemang pampinansyal upang maiwasan ang money laundering.

Sa taunang pulong ng FATF Financial Task Force, noong Pebrero 21, matapos ang matagumpay na onsite na pagbisita at pagsusuri, inihayag ng organisasyon na aalisin na ang Pilipinas sa listahan ng mas mahigpit na binabantayang mga bansa. In-update rin ng FATF ang kanilang pahayag patungkol sa mga bansang may mataas na panganib at iba pang hurisdiksyon na nasa ilalim ng masusing pagsusuri.

Ang FATF ay isang pandaigdigang organisasyong binubuo ng halos 40 bansa, kabilang ang Estados Unidos, Tsina, at Timog Aprika, na nagtataguyod ng mas mahigpit na regulasyon laban sa money laundering at pagpopondo sa terorismo.

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng Pilipinas na ang desisyon ng FATF ay isang makabuluhang "milestone" na magdadala ng maraming benepisyo sa bansa. Ang pagtanggal sa grey list ay inaasahang magpapabilis at magpapababa ng gastos sa mga transaksyong cross-border, magpapagaan ng pagsunod sa regulasyon, at magpapalakas ng transparency sa sektor ng pananalapi.

Idinagdag din ng AMLC na ang hakbang na ito ay makakatulong sa mahigit dalawang milyong Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa na regular na nagpapadala ng pera pauwi. Dahil sa mas mahigpit na regulasyon sa mga bansang nasa listahan ng FATF Financial Task Force, maaaring tumaas ang gastos sa pagpapadala ng pera para sa mga overseas Filipino workers (OFWs). Ngunit ngayon, dahil natanggal na ang Pilipinas sa listahang ito, inaasahang mas magiging madali at mas mura ang kanilang mga remittance.

Comments

Latest Newsmore