Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) ng Pilipinas nuong Pebrero 20 na matagumpay nilang nailigtas ang 12 Pilipino na naging biktima ng human trafficking sa Myanmar. Ang mga biktima ay nalinlang at napilitang magtrabaho sa isang scam operation, kung saan sila ay pinahirapan at sinaktan kapag hindi sumunod sa mga utos ng kanilang mga employer.
Ayon sa DMW, ang 12 Pilipino ay nakabalik na sa Maynila noong Pebrero 19 sa tulong ng Embahada ng Pilipinas sa Bangkok. Ang gobyerno ay patuloy na magbibigay ng suporta sa kanila, kabilang ang psychological counseling, pinansyal na tulong, at legal assistance.
Batay sa ulat, nakita ng mga biktima ang isang recruitment ad sa Facebook na nangangailangan ng sales personnel sa Myanmar. Ngunit pagdating nila doon, napilitan silang magtrabaho sa isang online scam operation nang walang sahod at walang pahinga.
Ayon sa mga biktima, sinaktan, pinalo, at kinuryente sila ng mga tagapamahala ng kumpanya kung hindi sila susunod sa mga utos. Pinagdaanan din nila ang matinding pisikal na parusa tulad ng forced squatting at frog jumps. Kapag may gustong umalis, hiningian sila ng $15,000 (humigit-kumulang ₱490,000) bilang ransom bago sila palayain.
Dahil sa sobrang hirap ng kanilang sitwasyon, nagtangka silang tumakas mula sa tinatawag na "Scam City" at humingi ng tulong sa pwersang militar ng Myanmar, na kalaunan ay nagligtas sa kanila.
Sa patuloy na pagsugpo sa telecom fraud sa Thai-Myanmar border, nagpatupad ang Thailand ng internet at power shutdowns sa ilang bahagi ng Myanmar. Noong Pebrero 12, isang ethnic armed group mula sa Karen State sa Myanmar ang nagligtas at nag-turn over ng 260 human trafficking victims sa mga sundalo ng Thailand, kabilang ang 12 Pilipino.
Nagbabala ang Department of Migrant Workers sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na mag-ingat sa mga job offers sa social media. Pinayuhan ang publiko na tiyaking beripikado ang kanilang recruitment agency at kumonsulta sa mga opisyal na ahensya ng gobyerno bago tanggapin ang anumang alok na trabaho sa labas ng bansa.