close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Duterte Ipinagdiriwang ang Kanyang Ika-80 Kaarawan sa Hague Prison; Pamilya at Mga Tagasuporta Nagtipon upang Magpahayag ng Pagsuporta

  • 31 March, 2025
  • 何薇薇
Duterte Ipinagdiriwang ang Kanyang Ika-80 Kaarawan sa Hague Prison; Pamilya at Mga Tagasuporta Nagtipon upang Magpahayag ng Pagsuporta

Nagdaos ng pagtitipon nuong ika-28 ng Marso ang pamilya at mga tagasuporta ng dating Pangulong Rodrigo Duterte upang ipagdiwang ang kanyang ika-80 kaarawan at ipahayag ang kanilang pagtutol sa kanyang pagkakakulong sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague. Si Duterte ay kasalukuyang nakakulong at nililitis dahil sa mga kasong may kaugnayan sa crimes against humanity. Ipinanganak siya noong Marso 28, 1945.

Kung mapatunayang nagkasala si Duterte sa mga paratang kaugnay ng kanyang war on drugs, maaaring gugulin niya ang natitirang bahagi ng kanyang buhay sa bilangguan. Ang kampanya laban sa ilegal na droga sa ilalim ng kanyang panunungkulan ay nagresulta sa libu-libong pagkamatay.

Nagsagawa ng mahigit 200 rally ang kanyang mga tagasuporta bilang panawagan para sa kanyang paglaya. Gayunpaman, nagbabala si Presidential Communications Secretary Claire Castro sa mga sumusuporta kay Duterte na maaaring umabot sa inciting to rebellion ang kanilang kilos-protesta. Idinagdag din ni Castro na habang binabati ng mga opisyal ng gobyerno si Duterte ng "kalusugan at kasaganaan," aniya, "kailangan niya ito ngayon."

Samantala, ang kanyang anak na si Vice President Sara Duterte ay kasalukuyang nasa The Hague upang tumulong sa pagbubuo ng legal defense team ng kanyang ama. Sa kanyang mensahe para sa kaarawan ng dating pangulo, sinabi niyang alam ng kanyang ama na haharap siya sa ICC kasama ang sambayanang Pilipino, at ang suportang natatanggap niya ay nakakatulong upang mapagaan ang kanyang kinakaharap na pagsubok.

Ang isa pa niyang anak, si Veronica Duterte, 20 taong gulang, at ang kanyang ina na si Cielito Avanceña, ay nabigong makadalaw kay Duterte sa bilangguan ngayong linggo, ngunit nananatili silang umaasa.

Ayon kay Karim Khan, Prosecutor ng ICC, maaaring umabot sa "sampu-sampung libo" ang namatay sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte, na karamihan ay mga mahihirap na kalalakihang walang sapat na ebidensyang nag-uugnay sa kanila sa ilegal na droga.

Inaresto si Duterte noong Marso 11 at mabilis na inilipat sa kustodiya ng ICC. Ang kanyang pagkakaaresto ay naganap sa gitna ng matinding alitan sa pagitan ng pamilya Duterte at ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Mananatili si Duterte sa bilangguan sa Scheveningen, isang coastal district sa The Hague, sa loob ng anim na buwan habang hinihintay ang kanyang susunod na pagdinig sa Setyembre 23. Sa pagdinig na ito, ipapahayag ng korte ang kumpirmasyon ng mga kaso laban sa kanya at bibigyan siya ng pagkakataong ipagtanggol ang kanyang sarili.

Comments

Latest Newsmore