close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Epekto ng Taripa ni Trump, Nagbukas ng Oportunidad: Mga Negosyanteng Taiwanese Target ang Pilipinas Bilang Alternatibong Lokasyon ng Produksyon

  • 17 April, 2025
  • 汪馬雪莉
Epekto ng Taripa ni Trump, Nagbukas ng Oportunidad: Mga Negosyanteng Taiwanese Target ang Pilipinas Bilang Alternatibong Lokasyon ng Produksyon
U.S. President Donald Trump imposed reciprocal tariff measures, and the Philippines, having been assigned a relatively low tax rate, is seen as having an advantage. Pictured is the Manila container port. (Photo: Central News Agency)

Matapos ipatupad ni US President Donald Trump ang reciprocal tariffs o pantay na taripa, maraming dayuhang kompanya ang nagsimulang maghanap ng alternatibong lugar para mailipat ang kanilang mga linya ng produksyon. Isa sa nakikitang pinakaangkop na lokasyon ay ang Pilipinas dahil sa mas mababang buwis kumpara sa ibang bansa sa Southeast Asia.

Ayon sa bagong patakaran ng Amerika noong Abril 2, siningil ng taripa ang mga produkto mula sa ilang bansa, kasama ang Pilipinas. Ngunit ang 18% na taripa para sa Pilipinas ay mas mababa kaysa sa Cambodia (49%), Vietnam (46%), Thailand (37%), Indonesia (32%), at Malaysia (24%), at halos katumbas lamang ng Singapore (10%).

Suporta ng Gobyerno at Geopolitical Advantage

Ayon kay John Aquino, deputy administrator ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), bagaman may negatibong epekto ang bagong taripa sa eksportasyon ng Pilipinas, nakikita rin ito bilang pagkakataon para makahikayat ng mas maraming dayuhang mamumuhunan, lalo na iyong gustong umiwas sa mataas na buwis.

Kasama sa mga benepisyong iniaalok ng Pilipinas ang CREATE MORE Law na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Nobyembre. Layon nitong magbigay ng mga tax incentives at pasimpleng proseso sa pamumuhunan, lalo na sa mga lugar tulad ng Subic Freeport Zone.

Lumalakas ang Interes ng mga Taiwanese Investors

Ayon kay Zhang Zhejia (張哲嘉), pangulo ng Subic Taiwanese Business Association, tumataas ang bilang ng mga kompanyang nagtatanong araw-araw tungkol sa posibilidad ng paglilipat ng operasyon sa Pilipinas mula 4 hanggang 5 kompanya kada araw. Hindi lamang ito galing sa Taiwan at China, kundi pati na rin sa mga Taiwanese investors na kasalukuyang nakabase sa Vietnam at Cambodia.

Iminungkahi niya ang isang tatlong yugto na estratehiya para sa mga nais agad magsimula:

    1. Maghanap muna ng local subcontractors

    2. Umupa ng kasalukuyang gusali upang makapagsimula agad sa loob ng 3–4 buwan

    3. At panghuli, bumili ng lupa para sa long-term expansion

Habang isinasagawa ang panayam, ilang delegado mula sa Australia, Taiwan, at China ang nag-iinspeksyon sa Subic, kabilang na ang TIPO Smart Ecozone na itinatag ng Taiwanese firm na MSK Group.

Tumataas ang Pag-aalangan Pero Patuloy ang Pagtaya

Sinabi ni MSK Chairman Su Guofang (蘇國芳) na kahit inaasahan nilang ang taripa ay laban lamang sa China, nagulat silang isinama rin ang ibang bansa. Aniya, kahit pansamantalang ibinaba ng US ang taripa sa 10% sa loob ng 90 araw, hindi pa rin mawawala ang pangamba ng mga negosyo kaya patuloy pa rin ang paghahanda sa relokasyon.

Sa Southern Taiwan Chamber of Commerce in the Philippines, sinabi ni Pangulo You Huiyao (游惠堯) na parami nang parami ang interesadong investors sa Pilipinas, lalo na ang mga nakatuon sa export ng electronics sa US at Europe. Bagaman may hamon sa logistics at supply chain sa bansa, naniniwala siyang kapag mas dumami ang pabrika sa isang lugar, mas lalakas ang local ecosystem at pagtutulungan sa pagitan ng mga negosyo.

Comments

Latest Newsmore