Ayon sa ulat ng AFP, nakadetekta ang mga siyentipiko gamit ang James Webb Space Telescope (JWST) ng kemikal na "fingerprint" sa atmospera ng isang exoplanet — mga gas na sa Daigdig ay nalilikha lamang sa pamamagitan ng prosesong biyolohikal. Ayon sa kanila, ito ang "pinakamalakas na palatandaan" ng posibleng buhay sa labas ng ating solar system, ngunit may ilan pa ring nagdududa.
Ang K2-18b ay 124 light-years ang layo mula sa Earth, mas malaki kaysa sa ating planeta, at nasa “Goldilocks Zone” — hindi masyadong mainit o malamig, kaya maaaring may likidong tubig.
Ang mga natuklasang kemikal ay dimethyl sulfide (DMS) at dimethyl disulfide — sa Earth, ginagawa lang ito ng maliliit na yamang-dagat tulad ng phytoplankton. Pero may posibilidad din na ang mga ito ay nabuo sa ibang paraan na walang kinalaman sa buhay.
Noong 2023, natuklasan na rin sa planetang ito ang methane at carbon dioxide — mga senyales na posibleng may tamang kondisyon para sa buhay.
Bagama’t malakas ang senyales, sinabi ng mga siyentipiko na kailangan pa ng karagdagang pag-aaral. Hindi pa ito sapat para sabihing may buhay talaga doon. Pero ayon sa lead scientist na si Nikku Madhusudhan, ito na marahil ang pinakamalapit na nakita nating ugnay sa buhay sa labas ng Earth.