Isang intelligence analyst ng hukbong katihan ng Estados Unidos ang nahatulang makulong ng 7 taon noong ika-23 ng Abril matapos mapatunayang nagbigay sa Tsina ng sensitibong impormasyon ukol sa pambansang depensa, kabilang na ang mga dokumento hinggil sa pagtatanggol sa Taiwan, mga sistema ng armas ng U.S. military, at mga taktika at estratehiyang militar.
Ayon sa ulat ng AFP, si Korbein Schultz, isang sersiyento ng U.S. Army na may pinakamataas na antas ng security clearance, ay naaresto noong Marso 2024 sa Fort Campbell — isang base-militar sa hangganan ng Kentucky at Tennessee.
Batay sa pahayag ng U.S. Department of Justice, si Schultz ay umamin noong Agosto ng nakaraang taon sa paglabas ng hindi bababa sa 92 sensitibong dokumento ng militar, at ngayon ay nahatulan na.
Kabilang sa mga kasong kaniyang inamin ay ang sabwatan sa pagkuha at paglabas ng impormasyon sa pambansang depensa, ilegal na pag-export ng teknikal na datos ng defense articles, sabwatan sa ilegal na pag-export ng defense articles, at pagtanggap ng suhol bilang isang opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Kash Patel, direktor ng FBI, sa isang pahayag: “Ang sentensiyang ito ay isang matinding babala sa mga traydor: May mabigat na kaparusahan ang inyong pagtataksil.”
Batay sa mga dokumento ng korte, si Schultz ay nagbigay ng dose-dosenang sensitibong dokumento ng militar sa isang indibidwal na nakabase sa Hong Kong, na pinaniniwalaang konektado sa pamahalaan ng Tsina.
Ayon sa U.S. Department of Justice, tumanggap si Schultz ng kabayarang $42,000 USD (humigit-kumulang 1.37 milyong piso) kapalit ng impormasyong ibinigay niya. Kabilang sa mga dokumentong ibinahagi niya ay ang isang ulat na tumatalakay sa mga aral na natutunan ng U.S. Army mula sa digmaan ng Russia at Ukraine na maaaring gamitin sa pagtatanggol sa Taiwan.
Ilan pang dokumento ang naglalaman ng impormasyon ukol sa taktika at paghahanda ng militar ng Tsina, pati na rin sa mga military exercises at deployment ng mga tropang Amerikano sa Korea at Pilipinas.
Ayon kay U.S. Attorney General Pam Bondi, patuloy ang kanilang pagsisikap na "bantayan ang mga pagsubok ng Tsina na maimpluwensyahan o mahadlangan ang ating militar, at titiyakin na ang mga magtataksil sa ating bayan ay makukulong nang matagal."