Magkakaroon ng midterm elections ang Pilipinas sa Mayo, at ngayong araw nuong ika-24 ng Abril, sa isang pagdinig sa Senado, sinabi ng isang opisyal ng National Security Council (NSC) na may mga palatandaan na sinusubukan ng Tsina na impluwensyahan ang resulta ng halalan.
Sa naturang pagdinig, sinabi ni Jonathan Malaya, Assistant Director-General at tagapagsalita ng NSC National Security Council, na may mga indikasyon na ang isang information warfare na sinusuportahan ng pamahalaan ng Tsina ay aktwal na nakikialam sa nalalapit na midterm elections ng Pilipinas.
Nang tanungin ng isang senador kung ang gobyerno ng Tsina ay lihim na sumusuporta sa mga kandidatong nais nilang manalo at tinatarget ang mga nais nilang matalo, sumagot si Malaya ng, "Oo, may ganitong mga palatandaan."
Ayon kay Malaya, ginagamit ng Beijing ang koordinadong pagpapakalat ng maling impormasyon at ang pagpapalawak ng mga partikular na naratibo upang subukang impluwensyahan ang boto ng mga Pilipino. Dahil karamihan sa mga mensaheng ito ay kumakalat sa social media, hindi ito agad napapansin o nabeberipika ng mga karaniwang mamamayan.
Nang hilingin na magbigay ng konkretong ebidensya, ipinaliwanag ni Malaya na ang mga pahayag ng Tsina tungkol sa ilang mga isyu ay ipinapakalat ng kanilang mga "proxy" o kinatawan sa Pilipinas. Bilang halimbawa, binanggit niya ang kasalukuyang joint military exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, na tinutuligsa ng Beijing bilang isang banta sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon — at ang parehong mensahe ay inuulit ng mga proxy ng Tsina sa loob ng bansa.
Idinagdag pa niya na natukoy na ng National Security Council kung sinu-sino at anong mga grupo ang nagsisilbing proxy ng Tsina sa Pilipinas, ngunit hindi pa nila inilalabas ang listahan ng mga ito sa publiko.