close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Panibagong Kaso ng Human Trafficking ng mga Tsino sa France: Mahigit Isandaang Kababaihang May Utang, Pinilit Magbenta ng Aliw

  • 19 May, 2025
  • 何薇薇
Panibagong Kaso ng Human Trafficking ng mga Tsino sa France: Mahigit Isandaang Kababaihang May Utang, Pinilit Magbenta ng Aliw

Lalong lumalala ang organisadong krimen ng mga Tsino sa France nitong mga nakaraang taon. Noong ika-12 ng buwang ito, muling nabuwag ng mga awtoridad ng France ang isang malawakang human trafficking network na pinamumunuan ng mga Tsino, kung saan pinipilit ang mga kababaihang may utang na lumibot sa iba’t ibang lungsod sa France upang makipagtalik kapalit ng pera. Ayon sa pulisya, karamihan sa mga babaeng ito ay may malaking pagkakautang sa China at napilitang pumunta sa France para magtrabaho sa prostitusyon, kung saan ang kanilang kinikita ay kinukuha ng sindikato.

Ayon sa ulat ng Le Parisien noong ika-14 ng Mayo, isang malakihang operasyon ng pulisya sa buong bansa ang isinagawa noong ika-12 ng Mayo upang mahuli ang organisadong sindikato ng prostitusyon na sangkot ang mga mamamayang Tsino. Tinatayang nasa 100 hanggang 120 kababaihang Tsino ang kinokontrol ng grupong ito. Ipinapadala sila sa iba’t ibang panig ng France upang magbigay ng serbisyong sekswal at pinipilit na tumanggap ng 5 hanggang 10 kliyente bawat araw. Bawat isa sa kanila ay may iniwang utang sa China, at halos 60% ng kanilang kita ay kinokolekta ng mga human trafficker o "snakeheads."

Matapos ang isang taong masusing imbestigasyon, nakipagtulungan ang Central Office for the Repression of Human Trafficking (OCRTEH) ng France at mga pulis ng lungsod ng Limoges sa gitnang bahagi ng bansa upang buwagin ang nasabing sindikato. Natukoy ang “headquarters” ng grupo sa Paris at sa rehiyon ng Île-de-France (Greater Paris area), na siyang sentro ng operasyon ng trafficking network.

Comments

Latest Newsmore