close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Bumisita ang Swiss parliamentary delegation upang palakasin ang relasyon nito sa Taiwan

  • 09 February, 2023
  • 汪馬雪莉
Bumisita ang Swiss parliamentary delegation upang palakasin ang relasyon nito sa Taiwan
National Councilor Fabian Molina shakes hands with President Tsai Ing-wen. (Photo: CNA)

Isang Swiss parliamentary delegation ang nakipagpulong kay Pangulong Tsai Ing-wen (Tsai Ing-wen) upang talakayin ang pagpapalakas ng relasyon sa pagitan ng dalawang bansa. Nakipagpulong kay Tsai ang grupo ng cross-party parliamentarians noong Lunes at sila’y mananatili sa Taiwan hanggang sa Byernes.

Nangunguna sa delegasyon ang mga National Councilors na sina Fabian Molina at Nicolas Walder na siya ring magkatuwang na pangulo ng Swiss-Taiwan Friendship Group. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagpadala ang Switzerland ng cross-party parliamentary group sa Taiwan mula noong magsimula ang COVID-19 pandemic.

Ayon kay Tsai, naging malapit sa isa’t isa ang dalawang bansa at tinututukan rin ng Swiss parliament ang mga isyung kinakaharap ng Taiwan. Umaasa siyang magiging magkatuwang ang Taiwan at Switzerland sa pagtugon sa mga isyung gaya ng internet security at pagsugpo ng disinformation.

Ayon kay Molina, nagtutulungan ang Swiss parliament upang mapalakas ang relasyon nito sa Taiwan sa larangan ng negosyo, pulitika, teknolohiya, at kultura. Dagdag pa niya, maninilbihan ang Switzerland sa UN Security Council sa susunod na dalawang taon, at ang pagkakaroon ng mapayapang usapan ang tanging paraan upang maayos ang isyu sa pagitan ng China at Taiwan.

Ayon kay Walder, gagamitin ng Switzerland ang kanyang pandaigdigang impluwensya upang maipaglaban ang pagsasama ng Taiwan sa WHO at iba pang pandaigdigang organisasyon. Idinagdag pa niya na ang mga gawain ng Russia at China ay nakaaapekto sa katatagan ng daigdig at kailangang magtulungan ang iba’t ibang demokrasya upang labanan ang mga bantang ito.

Comments

Latest Newsmore