Ayon kay Maria Ressa, isang Nobel Peace Prize laureate at mamamahayag, na kailangan ng mas maraming pakikipag-ugnayan ng publiko laban sa disinformation upang maipagtanggol ang “the last two minutes of democracy.” Nagmula ang komentong ito sa isang pandaigdigang kumperensya para sa demokrasya na naganap sa Taipei.
Si Ressa ay isang mamamahayag na Filipino-American na isa sa mga nagtatag ng Rappler, isang Pilipinong online news website. Paniwala ng Rappler na sila ay napag-initan ng dating Pangulo ng Pilipinas, Rodrigo Duterte at ng kanyang administrasyon dahil na rin sa pagbubunyag nito ng mga pangungurakot sa pamahalaan, pag-uulat ng pakikibaka ng Pilipinas laban sa isyu ng droga, at paglalantad ng pagpapalaganap umano ng disinformation na pumapabor kay Duterte. Noong 2021, natanggap ni Ressa ang Nobel Peace Prize kasama ang kapwa mamamahayag na Russian na si Dmitry Muratov. Sila ay pinarangalan dahil sa pangangalaga ng karapatan sa malayang pamamahayag sa kani-kanilang bansa.
Nagsalita si Ressa sa ika-labing-isang Global Assembly of the World Movement for Democracy na nagsimula noong Martes. Ayon sa kanya, ang ating mundo ay kasalukuyang nasa “last two minutes of democracy” dahil masyadong mabilis na ang pagkalat ng disinformation kumpara sa tamang impormasyon. Ayon pa sa kanya, ang mga botanteng walang hawak na katotohanan ay hindi kailanman makakaboto ng tamang tao sa posisyon.
Ani Ressa, matatamo lamang ang tagumpay laban sa paglaganap ng disinformation kung lahat ng mamamayan ay makikilahok upang labanan ito. Dagdag pa niya na ang pananahimik at kawalang-pakialam ay nagiging malakas na pwersa na ng kasamaan.