close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

2025 IMD World Competitiveness: Taiwan Umangat sa Ika-6 na Puwesto sa Mundo

  • 19 June, 2025
  • 汪馬雪莉
2025 IMD World Competitiveness: Taiwan Umangat sa Ika-6 na Puwesto sa Mundo
IMD Global Competitiveness 2025 Taiwan's ranking improves to 6th in the world. (Photo: freepik)

Noong Hunyo 17, inihayag ng Swiss-based na Lausanne Institute of Management Development (IMD) ang “2025 IMD World Competitiveness Yearbook.” Sa kabuuang 69 na bansa na isinailalim sa pagsusuri, pumalo ang Taiwan sa ika-6 na puwesto. Para naman sa mga ekonomiyang may populasyong higit sa 20 milyon, nananatili ang Taiwan bilang nangunguna sa buong mundo sa loob ng limang magkasunod na taon.

Ayon sa pahayag ng National Development Council (NDC), mataas ang ranggo ng Taiwan sa apat na pangunahing kategorya. Sa Economic Performance, pumwesto ito sa ika-10. Sa Government Efficiency, umabot ito sa ika-8. Sa Business Efficiency, nasa ika-4 na puwesto ito. Samantalang sa Infrastructure, umabot ito sa ika-10. Ang pinakatampok na dahilan ng pag-angat ng pangkalahatang ranggo ng Taiwan ay ang pagtalon ng 16 na puwesto sa kategoryang Economic Performance.

Sa mga mas detalyadong pagsusuri, may kabuuang 24 na sub-kategoryang napabilang sa top 3 sa buong mundo. Pinapakita nito ang lakas ng Taiwan sa aspeto ng inobasyon, kalidad ng manggagawa, at kakayahang magsagawa ng pananaliksik at pag-unlad.

Sa aspeto ng pangkalahatang ekonomiya, umangat ang ranggo ng Taiwan mula ika-26 noong nakaraang taon patungong ika-10. Ipinapakita nito ang pagbuti ng ekonomiyang pambansa, na higit pang pinatibay ng mahusay na pagganap sa sektor ng semiconductor, artificial intelligence, at high-performance computing. Gayunpaman, may bahagyang pagbaba sa ranggo ng mga sub-kategoryang Employment at Prices.

Sa mas tiyak na mga sukat, nasa ika-2 na puwesto sa buong mundo ang Taiwan sa Economic Complexity Index. Pumuwesto rin ito sa ika-4 sa Economic Resilience at sa Real GDP per Capita Growth Rate. Ang huli ay isang malaking pag-angat mula sa ika-32 na puwesto noong nakaraang taon.

Sa usapin ng kakayahan ng mga negosyo, umangat din ang ranggo ng Taiwan mula ika-6 patungong ika-4. Sa mga kategoryang Productivity and Efficiency, Finance, Management Practices, at Attitudes and Values, lahat ay nasa top 10 globally. Ang Productivity and Efficiency ay tumaas mula ika-9 patungong ika-2 na siyang pangunahing dahilan ng pagtaas ng Business Efficiency ng bansa.

Ayon sa NDC, ang IMD World Competitiveness ranking ay maituturing na isang pagsusuri sa kabuuang kalusugan ng ekonomiya at lipunan ng isang bansa. Bilang tugon, sineryoso ng pamahalaan ang resulta ng pagsusuri at gagamitin ito bilang gabay sa pagpapatuloy ng mga polisiya para sa reporma at pag-unlad.

Bilang paghahanda sa mga hamon ng taong 2025, kabilang na ang mga bagong patakaran sa taripa sa Estados Unidos at ang patuloy na pagbabago sa pandaigdigang supply chain, ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagpapatatag sa ekonomiya ng bansa. Layunin ng pamahalaan na mapanatili ang kakayahang makipagsabayan at patuloy na umunlad sa gitna ng mga pagbabago sa pandaigdigang ekonomiya.

Comments

Latest Newsmore