Sinabi ng Pambansang Museo ng Palasyo na hindi nito itinago ang naiulat na pinsala sa ilang mahahalagang artifacts. Ipinahayag ito noong Biyernes matapos akusahan ng mambabatas na si Chen I-shin (陳以信) ang mga tauhan ng museo na sinira ang ilang maseselang artifacts at sinubukang pagtakpan ang nasabing aksidente.
Inamin ng museo na tatlong artifacts ang napinsala subalit itinanggi nito na sinubukan nilang itago o ilihim ang nasabing insidente. Kasama sa tatlong napinsalang artifacts and dalawang teacups na napinsala sa pagkakatago at isang plato na nabasag dahil sa maling pagkakahawak.
Ayon kay Chen, ipinag-utos ng direktor ng museo na si Wu Mi-cha sa mga empleyado ng museo na huwag banggitin ang mga nasabing insidente at iproseso ang mga dokumento bilang highly classified.
Ayon sa museo, maayos na naproseso ng mga empleyado ang mga classified na dokumento na may kauganayan sa mga napinsala. Dagdag pa rito, sinunod di-umano ng mga empleyado ang tamang proseso ng pagtugon sa mga insidente at ipinag-utos agad ni Director Wu ang imbestigasyon nang matanggap nito ang ulat.
Inihahanda na ngayon ng museo ang pagsasaayos ng tatlong artifacts. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapag-ulat ang Museo ng Palasyo ng pagkapinsala ng mga pambansang kayamanan.