Nanawagan sa Ministri ng Edukasyon at Kalusugan ang mga mambabatas na siguruhing makapagbibigay ang lahat ng paaralan ng mga libreng menstrual hygiene products sa susunod na Setyembre. Nagpasa ng mosyon ang mga mambabatas noong Huwebes at isinama dito ang paglalaan ng pondo para sa mga nasabing produkto sa budget ng Ministri ng Edukasyon.
Ayon pa sa mga mambabatas, ang pagsasagawa ng polisiyang ito ay mahalaga upang maalis ang “period poverty”. Tinutukoy ng “period poverty” ang kawalang-kakayahan ng mga low-income groups na maka-access ng mga menstrual hygiene products, edukasyon, at mga pasilidad. Idinagdag pa ng mga mambabatas na ang mga kababaihang hindi makabili ng menstrual hygiene products ay walang choice kundi lumiban sa paaralan at sa trabahao, na maaaring makaapekto sa kalidad ng kanilang pamumuhay.
Isinasaad ng mosyon na ang pangkaraniwang babae ay gumagastos ng NT$100,000 (US$3,100) para sa menstrual hygiene products sa kabuuan ng kanyang buhay, na maaaring makapagdulot ng malaking pasaning pinansyal sa kanya. Mayroon lamang anim na counties ang nagbibigay ng libreng hygiene products sa mga paaralan.
Nanawagan din ang mga mambabatas sa Ministri ng Edukasyon na imbestigahan kung paano ipatutupad ng mga lokalidad ang mga polisiya at ibahagi ang kanilang plano sa mga susunod na buwan. Idinagdag pa nila na kailangan nang magsimulang mamigay ng mga libreng menstrual hygiene products ang mga paaralan sa susunod na Setyembre.
Ipinanawagan ng mosyon ang pagbibigay ng paaralan ng mga libreng menstrual pads, subalit sabi ng ilang mambabatas na kailangan ding magbigay ang mga paaralan ng iba pang produkto. Ayon kay Education Minister Pan Wen-chung (潘文忠), sisikapin ng ministri na isulong ang polisiyang ito, subalit umaasa din silang mabigyan pa sila ng karagdagang oras upang makapaghanda.