Inaasahan ng Taiwan na aalisin na nito ang mandato sa pagsusuot ng mask sa labas o outdoors ngayong buwan. Ito ay mula sa top epidemic official Victor Wang (王必勝).
Ayon kay Wang, ang pag-aalis ng mandato sa pagsusuot ng mask ay mangyayari ng dahan-dahan. Idinagdag pa niya na ang epekto ng pandemiya sa Taiwan ay patuloy na bumababa kung kaya’t ang mandato sa pagsusuot ng mask ay maaari na ring alisin ng dahan-dahan depende sa sitwasyon. Ayon pa sa kanya, sumusunod ang Taiwan sa mga kasalukuyang alituntunin ng WHO na siya namang patuloy na nagrerekomenda sa pagsusuot ng mask kapag indoors subalit hindi na nagrerekomenda ng pagsusuot nito pag nasa labas.
Sinabi ni Wang na nasa ikalawang yugto na ang kanyang opisina sa pagsasagawa ng mga alituntunin sa pag-aalis ng mandato ng pagsusuot ng mask pero wala umano siyang timetable kung kailan ito paiiralin. Sa ikalawang yugto, ang mga patakaran sa pagsusuot ng mask ay mas lalo pang luluwagan, maliban sa mga piling lugar gaya ng mga ospital at public transportation.