Popular na pagkain ang hotpot lalo na kapag lumalamig ang panahon. Subalit, sinasabi ng mga doktor sa mga pwedeng magkaroon ng sakit sa puso na maging maingat matapos na ma-diagnose ang isang 40 taong gulang na lalaki na may heart failure.
Sa patuloy na paglamig ng panahon, maraming tao ang nais makahigop ng mainit at masarap na hotpot. Subalit, kailangang mag-ingat ang mga taong pwedeng magkaroon ng sakit sa puso.
Isang 40 taong gulang na lalaki ang na-diagnose ng heart failure at mayroong tubig sa baga nang makaranas ito ng biglaang hirap sa paghinga. Iniuugnay ito ng mga doktor sa sobrang pagkonsumo ng asin at tubig bunga ng pagkahilig ng pasyente na kumain ng hotpot.
Ayon kay Dr. Lee Chien-Chang (李建璋), ang hotpot at ang mga sauce na kasama nito ay mayroong mataas na antas ng sodium. Ito ang nagdudulot ng pagkakaroon ng labis na tubig na natitira sa ating katawan na siyang maaaring magdulot ng labis na pahirap sa ating mga puso.
Kung ang isang tao ay may dati nang problema sa puso, nirerekomenda na bawasan ang paglalagay ng mga sauce sa hotpot at konting sabaw lamang ang higupin. Iminungkahi rin ni Lee ang pag-inom ng mainit na tsaa habang kumakain ng hotpot.
Ang paglamig ng panahon ay sumabay sa 20%-30% pagtaas ng mga emergency cases na may kinalaman sa mga cardiovascular diseases. Tatlo sa pinakakilala sa mga ito ay ang stroke, heart attack, at heart failure.
Ayon pa kay Lee, mahalagang mapanatiling stable ang temperatura ng katawan dahil ang dagliang pagbabago dito ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa ating cardiovascular system. Sa mga madaling magkaroon ng mga cardiovascular diseases, kailangan maging alerto sa mga pagbabago ng temperatura tuwing umaga at gabi, at siguruhing panatilihing mainit ang katawan.