Mananatiling Minister of Defense si Chiu Kuo-cheng (邱国正) nang sabay-sabay na nagbitiw sa posisyon ang gabinete ng Taiwan. Sa lehislatura noong Lunes, iniulat niya ang mga planong reporma sa militar sa mga susunod na taon at tumugon sa ilang mga agam-agam hinggil sa mga US officials.
May mga agam-agam na magsasagawa ang China ng mga sanction at military maneuvers kung ang bagong US House Speaker na si Kevin McCarthy ay bibisita sa Taiwan ngayong spring. Pinaigting ng China ang kanilang military drills malapit sa Taiwan matapos bumisita noong Agosto ang dating US House Speaker na si Nancy Pelosi. Nang tanungin tungkol sa posibleng bantang ito, sinabi ni Chiu na handa ang Defense Ministry na tumugon sa anumang sitwasyon.
Tinanong din si Chiu hinggil sa mga komento ng US Air Force General na si Mike Minihan na nagsabi kamakailan na maaaring lusubin ng China ang Taiwan na kasing-aga ng 2025. Ayon sa four-star general, ito ay maaaring magbunga ng digmaan sa pagitan ng US at China. Sinabi pa ni Chiu na iginagalang niya ang pagsusuri ng mga eksperto na may mga basehan sa kanilang mga komento. Idinagdag pa niya na nagsasagawa ng mga paraan ang militar upang maiwasan ang digmaan.
Iniulat din ni Chiu ang planong magsagawa ng reporma sa militar sa darating na taon. Kasama dito ang pagpapahaba ng conscription time o paninilbihan sa militar ng isang taon at pagrereorganisa ng kanilang mga pwersa.