Sinabi ni President Tsai Ing-wen (Tsai Ing-wen) na daragdagan ng Taiwan ang bilang ng scholarship na ibibigay nito sa mga estudyante mula sa St. Vincent at the Grenadines na mag-aaral sa Taiwan. Ito ang pahayag ni Tsai noong Martes nang makipagpulong siya sa Foreign Minister ng St. Vincent at the Grenadines na si Keisal Peters. Bumisita si Peters sa Taiwan nang maimbitahan itong magsalita sa isang forum na nakapokus sa pagbibigay ng kapangyarihan sa mga kababaihan sa Latin America at Caribbean.
Ayon kay Peters, malugod niyang tinaggap ang imbitasyon para sa nasabing forum, dahil siya ang kauna-unahang babaeng foreign minister ng kanyang bansa. Dagdag pa niya, patuloy na ibibigay ng St. Vincent at the Grenadines ang matibay na suporta nito sa Taiwan.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Tsai na pinatitibay ng Taiwan at ng St. Vincent at the Grenadines ang kanilang relasyon. Ayon pa kay Tsai, mahigit 200 estudyante mula sa St. Vincent at the Grenadines ang nag-aral na sa Taiwan simula noong 2004. Idinagdag pa niya na daragdagan pa ng Taiwan ang bilang ng scholarship upang tumaas ang bilang ng pagpapalitan ng kultura sa pagitan ng mga estudyante.
Ayon pa sa kanya, kailangang magpokus ang dalawang bansa sa muling pagbangon ng ekonomiya at pagbibigay ng kapangyarihan sa mga kababaihan sa post COVID-19 era. Idinagdag pa ni Tsai na magbibigay din ang Taiwan ng mga business-building resources at technical training sa mga kababaihan mula sa St. Vincent at the Grenadines.