Taipei, Taiwan — Sa pinakabagong pag-aaral ng International Institute for Management Development (IMD) sa Switzerland, umakyat ang Taipei sa ika-16 na puwesto mula sa dati nitong ranggo, at kinilala bilang ika-limang Smart City sa Asya sa 2024 Smart City Index.
Ang lungsod ng Zurich, Switzerland ang nanguna sa listahan, sinundan ng Oslo, Norway, at Canberra, Australia. Samantala, sa loob ng Asya, nanguna ang Singapore na sinundan ng Abu Dhabi, Dubai, Beijing, Taipei, at Seoul.
Ayon sa IMD, nakamit ng Taipei ang markang 'A' para sa pangkalahatang pagganap bilang isang smart city. Nakakuha rin ito ng mataas na puntos sa mga aspeto ng pangunahing sanitasyon, serbisyo ng pag-recycle, mga serbisyong medikal, at ang pagbili ng mga tiket online para sa mga palabas at museo.
Napansin din ang mga makabagong pagpapaunlad sa mobilidad sa lungsod, kabilang ang mga aplikasyon para sa pag-share ng kotse, pagkakaroon ng bisikleta, at ang paggamit ng mobile phone sa pagtunton ng trapiko. Ito ay nagbigay-daan para sa mas mabilis at mas epektibong pagbiyahe ng mga mamamayan sa araw-araw.
Sa kabila ng mga tagumpay, nananatiling isang malaking hamon para sa Taipei ang mga isyu tulad ng abot-kayang pabahay, pagkakabuhol-buhol ng trapiko, polusyon sa hangin, seguridad, at mga isyung may kinalaman sa korapsyon at transparency. Ito ang mga pangunahing concern na nais ng mga residente na pagtuunan ng pansin para sa karagdagang pagpapabuti.
Ang 2024 Smart City Index ay nilikha sa pamamagitan ng kombinasyon ng iba't ibang datos at mga tugon mula sa survey ng mga mamamayan, na kinabibilangan ng 120 residente mula sa bawat isa sa 142 lungsod na sakop ng pag-aaral.
Sa patuloy na pag-angat ng Taipei sa ranggo ng mga smart cities sa buong mundo, nakikita ang determinasyon ng lungsod na maging mas episyente at sustenableng lugar para sa kanyang mga mamamayan.