Bumaba ng 200,000 ang bilang ng mga dayuhang bumisita sa Taiwan mula Marso hanggang Abril, ayon sa Taiwan’s Tourism Bureau. Pinaniniwalaan ng mga analyst na ito ay tugon sa lindol na may lakas na 7.4 na tumama sa Hualien noong Abril 3, kasama ang mga aftershock at landslides na sumunod sa mga linggo at buwan.
Sa dulo ng 2023, nagtakda ang Ministry of Transportation ng layunin na 12 milyong dayuhang turista ang bibisita sa Taiwan ngayong taon. Gayunpaman, dahil sa halalan ng pangulo at ang epekto nito sa relasyon sa cross-strait, ibinaba ang bilang na ito sa 10 milyon. Sa kabila ng pag-adjust na ito, sa unang kalahati ng 2024 ay 3.4 milyong turista lamang ang bumisita.
Sinabi ni Associate Professor ng Tourism ng Providence University na si Huang Cheng-tsung na ang pagbaba ng mga bisita ay malamang dahil sa lindol sa Hualien at iba pang kalamidad na sumunod. Sinabi niya na ang bilang ng mga bisita mula sa Hong Kong, Macau, Japan, South Korea, at Singapore ay bumaba ng mga 30 hanggang 40 porsiyento.
Bagama’t nag-alok ang gobyerno ng mga subsidiya upang buhayin ang turismo sa Hualien at sa buong east coast, limitado pa rin ang mga resulta. Sinabi ni Huang na ito ay malamang dahil sa patuloy pa rin ang pangamba sa kaligtasan. Gayunpaman, tumaas naman ang occupancy rate ng mga hotel ng mga 20 hanggang 30 porsiyento. Umaasa siya na mag-iimprove ang turismo sa rehiyon sa panahon ng bakasyon sa tag-init.