Ayon sa ulat ng Reuters, dalawang diplomatikong impormante ang nagsabi sa Reuters na nakatakdang bumisita ang dating Pangulong Tsai Ing-wen ng Taiwan sa Canada sa susunod na linggo. Tinukoy rin sa ulat na si Tsai ay naging simbolo ng pagtutol ng Taiwan laban sa banta ng militar ng China, kaya’t mataas ang interes sa kanyang biyahe.
Tulad ng karamihan sa mga bansa, walang pormal na ugnayang diplomatiko ang Canada at Taiwan. Gayunpaman, habang pinalalakas ng Beijing ang banta sa demokratikong Taiwan, tumitindi rin ang palitan ng ekonomiya at pulitika sa pagitan ng Canada at Taiwan.
Dahil sa pagiging sensitibo ng usapin, sinabi ng dalawang impormante, na humiling ng hindi pagpapakilala, sa Reuters na nakatakda si Tsai na bisitahin ang Nova Scotia sa Canada sa susunod na linggo at magsasalita sa Halifax International Security Forum na magsisimula sa Nobyembre 22.
Samantala, sinabi ng opisina ni Tsai na ibabahagi ang mga detalye ng kanyang biyahe sa angkop na oras kung sakaling makumpirma ang kanyang mga plano.
Wala pang pahayag ang Halifax International Security Forum at ang Kagawaran ng Pandaigdigang Ugnayan ng Canada (Department of Global Affairs) kaugnay ng mga katanungan na ipinadala sa labas ng opisyal na oras ng trabaho ng gobyerno ng Canada.
Sa kasalukuyan, mainit ang relasyon sa pagitan ng Canada at China, na may mga usaping tulad ng akusasyon ng Canada sa China tungkol sa cyberattacks at mga isyu sa karapatang pantao at kalakalan.
Noong nakaraang buwan, sa gitna ng pag-aalala sa lumalaking banta ng espiya at militar ng China, bumisita si Tsai sa Czech Republic, France, at Belgium. Buong suporta ni Pangulong Lai Ching-te ang biyahe ni Tsai sa Europa at sinabi niyang si Tsai ang “pinakamahusay na kinatawan” ng demokratikong Taiwan sa pandaigdigang entablado.