Nagbitiw sa pwesto si Minister of Labor Hsu Pei-shan dahil sa isang insidente ng pagpapakamatay ng isang opisyal, at ang mambabatas mula sa Democratic Progressive Party (DPP) na si Hung Shen-han ang hahalili sa kanya. Nung (23), ipinahayag ng mga grupo ng manggagawa na, dahil sa karanasan ni Hung, inaasahan nilang mabilis siyang makakapagsimula sa trabaho at makapagtataguyod ng sistemang dayalogo sa lipunan, makakalikha ng mas maayos at magiliw na lugar ng trabaho, at makakapagbigay-pansin sa isyu ng makatarungang transisyon.
Tungkol sa bagong kalihim, sinabi ni Dai Kuo-jung, presidente ng National Federation of Independent Trade Unions, na si Hung Shen-han ay may karanasan sa social movements at bilang isang mambabatas. Malawak ang kanyang kaalaman sa mga isyung pang-manggagawa, kabilang ang mga pagbabago sa batas. "Mabilis niyang magagampanan ang kanyang tungkulin," aniya.
Dagdag pa ni Dai Kuo-jung, umaasa silang ipagpapatuloy ng bagong kalihim ang pagpapabuti ng mas magiliw na kapaligiran sa trabaho at maiiwasang maulit ang mga kaso ng pananakot o bullying. Hinikayat niya ang gobyerno na gamitin bilang batayan ang International Labour Organization (ILO) Convention No. 190 tungkol sa pag-iwas sa karahasan at panliligalig. Isinusulong din niya na itaas ang gabay para sa pag-iwas sa mga iligal na pananakit sa trabaho sa antas ng batas, na kabilang ang malinaw na depinisyon ng workplace bullying, mga pamantayan, at isang kumpletong sistema ng pag-uulat.