Ang 2024 Immigration Festival, na inorganisa ng National Immigration Agency ng Ministry of the Interior sa pakikipagtulungan sa Taipei City Government, ay opisyal na binuksan nung ika-8 ng Disyembre sa Songshan Cultural and Creative Park sa Taipei. Tampok sa pagdiriwang ang parada na inspirasyon ng ngiti ng maskara ng Pilipinas at isang makulay na international carnival na nagbigay ng masigla at makulay na atmospera sa lugar.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Minister Liu Shih-Fang ng Ministry of the Interior na opisyal na itatatag ang Agency for New Resident Development sa susunod na taon. Ang ahensiyang ito ay magbibigay ng mas maraming serbisyo upang ipakita ang pagiging mabuting bansa ng Taiwan para sa mga bagong residente sa Asya.
Bilang bahagi ng selebrasyon ng International Migrants Day na gaganapin sa ika-18 ng Disyembre, ang National Immigration Agency ay taunang nagdaraos ng Immigration Festival. Sa taong ito, ang tema ay "Pagbuo ng Bagong Kabanata ng Kultura sa Pamamagitan ng Puso ng Tahanan," na isinagawa sa Songshan Cultural and Creative Park. Ang event ay puno ng mga pagtatanghal na nagpapakita ng iba't ibang kultura, masasarap na pagkain mula sa iba’t ibang bansa, at parada ng maskara mula sa mga bansang tulad ng Vietnam, Indonesia, Thailand, at Austria. Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa mga bansang ito, na nagpakita ng masiglang pagiging bukas ng Taiwan, na kasalukuyang tahanan ng mahigit isang milyong bagong residente at migranteng manggagawa.
Maagang dumating si Minister Liu Shih-Fang upang personal na makipag-usap sa mga bagong residente na nagtitinda sa event. Sa kanyang pagbubukas na talumpati, binigyang-diin niya na ang mga Taiwanese ay likas na magiliw at mapagpatuloy. Ayon kay Liu, itinuturing ng mga Taiwanese na bahagi ng kanilang pamilya ang sinumang dayuhang bumisita o manirahan sa bansa. Pinasalamatan din niya ang mga bagong residente sa kanilang ambag sa pagkakaiba-iba ng kultura ng Taiwan, na nagiging higit na makulay at bukas.
Sa panayam, ipinaliwanag din ni Minister Liu na ang itatatag na Agency for New Resident Development ay layong magbigay ng mas pinabuting serbisyo sa mga bagong residente. Aniya:
"Ang Taiwan ay isang napakabuting lugar para sa mga bagong residente, anuman ang dahilan ng kanilang pagdating—trabaho, kasal, o iba pang dahilan. Ang mahabang pananatili dito ay maaaring gawing tahanan ang dayuhang lugar. Ang Taiwan ay patuloy na nagiging mas makulay at mas maraming aspeto ng kultura ang naidaragdag. Sa susunod na taon, itatatag namin ang Agency for New Resident Development upang palawakin ang mga serbisyong iniaalok para sa kalusugan, trabaho, at iba pa. Layunin naming patunayan na ang Taiwan ang pinakamabuting bansa para sa mga bagong residente sa Asya."
Ibinahagi rin ni Minister Liu na batay sa limang-taong pananaliksik ng Academia Sinica, mas nagiging epektibo ang mga hakbang ng gobyerno sa pagtulong sa mga bagong residente na unti-unting umangkop at makibahagi sa lipunan ng Taiwan. Sa katunayan, higit 30-40% ng mga bagong residente ay aktibong lumalahok sa mga gawaing pampubliko. Nagpahayag siya ng hangarin na lahat ng bagong residente, kahit sa Taiwan man o sa kanilang mga bansang pinagmulan, ay makaranas ng masayang pamilya at matagumpay na bagong buhay.