Maghahain ang Ministry of Labor ng Solusyon sa Kakulangan ng Trabahador Pagkatapos ng Bagong Taon: Balak Magbukas ng Limitadong Pag-aaplay para sa Dayuhang Manggagawa sa Sektor ng Serbisyo
Nung (ika-10 ng Disyembre), pinangunahan ni Premier Cho Jung-tai ang isang talakayan kasama ang mga lider ng negosyo mula sa General Chamber of Commerce of the Republic of China (ROCCOC) at mga pinuno ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Ayon kay Xu Shu-bo, tagapangulo ng ROCCOC, 63 panukala ang kanilang inihain sa pulong, ngunit 18 lamang ang aktwal na natalakay. Sa mga ito, ang isyu ng kakulangan ng trabahador ang nagkaroon ng pinakamalaking progreso. Inanunsyo ng Ministry of Labor (MOL) na maghahain sila ng komprehensibong solusyon sa kakulangan ng manggagawa pagkatapos ng Lunar New Year. Kasama rito ang planong magbukas ng limitadong aplikasyon para sa mga dayuhang manggagawa sa sektor ng serbisyo, kung saan ang mga kompanya ay kinakailangang magtaas ng sahod ng mga lokal na manggagawa upang tiyaking napapangalagaan ang kanilang karapatan.
Binanggit din ni Xu Shu-bo na iniisip ng MOL kung paano haharapin ang isyu ng humigit-kumulang 70,000 hanggang 80,000 tumakas na dayuhang manggagawa sa Taiwan. Ang layunin ay hikayatin silang lumabas mula sa pagtatago at gawing legal ang kanilang status upang makapagtrabaho muli sa mga industriya. Kailangan dito ang pag-aaral kung paano baguhin ang batas upang maisakatuparan ito. Dagdag pa ni Xu, dapat ring bigyan ng konsiderasyon ang mga beteranong dayuhang manggagawa na nasa Taiwan nang 10 hanggang 20 taon at nakapag-develop na ng sapat na kasanayan. Sa halip na paalisin sila kapag natapos ang kanilang kontrata, iminumungkahi na palawigin ang kanilang pananatili sa bansa. Ayon sa kanya, tila nagiging "training base" ang Taiwan, kaya kinakailangang tugunan ito ng MOL.
Samantala, ukol sa usapin ng pagbawas ng carbon emissions, sinabi ni Xu Shu-bo na malinaw na ipinaliwanag ng Ministry of Environment sa pulong na ang karamihan sa mga industriya ng pagmamanupaktura ay kailangang sumunod sa layunin ng net-zero carbon emissions. Gayunpaman, hindi lahat ng negosyo sa sektor ng serbisyo ay kailangang sumunod. Para sa karamihan ng mga kumpanya sa serbisyong pangkalakal, sapat na ang pagtitipid sa kuryente upang maabot ang mga layunin sa pagbawas ng carbon emissions.