close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

HPA: Isang Tao ang Nadidiagnose ng Kanser Bawat Apat na Minuto sa Taiwan

  • 22 December, 2024
  • 汪馬雪莉
HPA: Isang Tao ang Nadidiagnose ng Kanser Bawat Apat na Minuto sa Taiwan
Ipinakita ng tsart mula sa Health Promotion Administration ang sampung nangungunang uri ng kanser na nakaaapekto sa mga Taiwanese.

Sa loob ng 42 magkasunod na taon, nananatiling kanser ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa Taiwan, na may mahigit 50,000 na namamatay taun-taon dahil dito. Ayon sa ulat na inilabas ng Health Promotion Administration (HPA) ng Ministry of Health nitong Huwebes, isang tao ang nadidiagnose ng kanser tuwing apat na minuto.

Ipinapakita ng ulat na umabot sa 130,293 ang bilang ng mga bagong kaso ng kanser noong 2022, mas mataas ng mahigit 8,500 kumpara sa nakaraang taon. Ayon kay Lin Li-ju (林莉茹), pinuno ng Cancer Prevention and Control Division ng HPA, ang pagtaas na ito ay pangunahing dulot ng pagdami ng mga taong sumasailalim sa cancer screening at nagpapagamot matapos ang pandemya ng COVID-19.

Mahigit 80% ng lahat ng kaso ng kanser noong 2022 ay naitala sa mga taong nasa edad 50 hanggang 59, at ang karaniwang edad ng pagsisimula ng kanser ay 64. Ang ilang uri ng pangunahing kanser, tulad ng oral cancer, breast cancer, uterine cancer, at thyroid cancer, ay karaniwang lumalabas sa mas maagang edad.

Tungkol naman sa lung cancer, na siyang pinakakaraniwang uri ng kanser sa Taiwan, sinabi ni Lin na habang tumaas ang bilang ng mga bagong kaso, tumaas din ang porsyento ng mga kasong nadidiskubre sa maagang yugto. Ito ay dahil sa mas mataas na kamalayan sa pampublikong kalusugan at sa libreng CT screening na nagsimula noong Hulyo 2022 para sa mga high-risk na grupo. Ang maagang pagtuklas ay malaki ang naitutulong sa pagpapabuti ng 5-taong survival rate ng lung cancer.

Ipinapakita ng kabuuang datos na bumaba ang mga kaso ng liver cancer at oral cancer, habang ang breast cancer naman ang may pinakamalaking pagtaas sa mga kababaihan. Sa mga kalalakihan, colorectal cancer ang nananatiling nangunguna, kasunod ang lung cancer at prostate cancer.

Comments

Latest Newsmore