Sa nalalapit na pagdiriwang ng Pasko, ang Koten Charity Foundation na itinatag ng mga Taiwanese businessmen sa Pilipinas ay nagtungo sa kabundukan upang maghatid ng tulong sa mga katutubong komunidad. Mahigit isang libong pamilya ang nakatanggap ng ayuda at damang-dama ang pagmamahal mula sa mga Taiwanese para sa isang masayang Pasko.
Ang Koten Charity Foundation, kasama ang tatlong Taiwanese-owned companies na Klio, Platinum Empire, at Teh Hsin, ay nag-organisa ng Christmas relief operation noong Disyembre 14. Gumamit sila ng ilang trak at nagpadala ng mahigit 60 empleyado patungong dalawang nayon sa kabundukan ng Porac, Pampanga, upang ipamahagi ang ayuda.
Madaling araw pa lang ay umalis na mula Maynila ang relief team at matapos ang tatlong oras na biyahe, narating nila ang unang nayon. Binati sila ng mga miyembro ng Aeta tribe sa pamamagitan ng tradisyunal na sayaw. Makikita sa mga banner ang mensaheng "Love From Taiwan", na nagbigay inspirasyon at saya sa mga residente.
Bagamat ang Koten Charity Foundation ay itinatag noong 2020, ang Koten Enterprises, Inc., na siyang sumusuporta dito, ay nagdadala ng tulong tuwing Pasko sa loob ng higit 15 taon na. Sa taong ito, namahagi sila ng bigas, iba't ibang de-lata, mineral water, instant noodles, bombilya, mga kagamitang pangkalinisan, at iba pang gamit sa bahay.