close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Pag-abuso sa Employment Stabilization Fund? Sinabi ni Hung Shen-Han: Hindi Iiwasan ang Isyu, Kasalukuyang Tinatalakay ang Mga Mekanismo ng Pagsusuri

  • 25 December, 2024
  • 何薇薇
Pag-abuso sa Employment Stabilization Fund? Sinabi ni Hung Shen-Han: Hindi Iiwasan ang Isyu, Kasalukuyang Tinatalakay ang Mga Mekanismo ng Pagsusuri

Nuong Disyembre 18, ginugunita ang International Migrants Day. Sa Taiwan, ilang grupong sibiko, kabilang ang Taiwan International Workers’ Association, ang nagtipon sa harap ng Ministry of Labor upang magsagawa ng press conference. Kanilang hiniling sa ahensya na bigyang pansin ang mga patakaran para sa migranteng manggagawa. Binatikos nila ang planong "Pilot Program for Diversified Accompaniment and Care Services," na anila'y dapat munang ipagpaliban. Dagdag pa rito, hinimok nila ang Labor Ministry na agad magsagawa ng interagency meeting kasama ang Ministry of Health and Welfare upang muling suriin ang kabuuang sistema ng long-term care. Tugon naman ni Minister Hung Shen-Han, ipinaabot na niya ang kanyang kahandaan sa pakikipagtulungan sa Ministry of Health and Welfare.

Samantala, ukol sa ulat ng Auditor-General noong Disyembre 17 na nagsasabing mayroong mahigit 50 milyong New Taiwan Dollars na ginastos mula sa Employment Stabilization Fund na hindi tumutugma sa layunin nito, sinabi ni Hung na patuloy nilang sinisikap intindihin ang detalye ng ulat habang hinihintay ang opisyal na dokumento mula sa Audit Department. Aniya, ang Ministry of Labor (MOL) ay gagawa ng mga mekanismo upang resolbahin ang isyu at hindi nila ito iiwasan. Sinabi niya:

"Hindi namin iiwasan ang anumang kontrobersya na kinakaharap sa ngayon. Subalit, mas malinaw kaming makakapagbigay ng sagot kung mayroon na kaming opisyal na ulat mula sa Audit Department at lubos na nauunawaan ang mga detalye. Pagkatapos nito, ipapaalam namin kung ano ang susunod naming hakbang. Pero nais naming tiyakin na hindi kami iiwas."

Tungkol naman sa tanong kung paano mababawi ang mahigit 50 milyong NT$, sinabi ni Hung na kailangang hintayin muna ang opisyal na ulat mula sa Audit Department. Pagkatapos nito, malinaw na ihahayag ng Ministry of Labor ang mga gagawing hakbangin. Ukol naman sa pagpapahusay ng mga mekanismo para sa paggamit ng Employment Stabilization Fund, sinabi ni Hung na ilang linggo nang masinsinang pinag-uusapan ito sa loob ng ahensya. Ang pagpapalawak ng transparency ay isa rin sa mga pangunahing direksyong tinatalakay.

Comments

Latest Newsmore