Inanunsyo ng Ministry of Health and Welfare nuong (Disyembre 26) na ang premium rate para sa National Pension Insurance ay bahagyang tataas mula sa kasalukuyang 10% patungong 10.5% simula Enero 1 ng susunod na taon. Gayunpaman, ang buwanang insured amount na NT$19,761 ay mananatiling hindi magbabago. Ang pagtaas na ito ay hindi makakaapekto sa mga pamilyang mababa ang kita at sa mga indibidwal na may matinding pisikal o mental na kapansanan. Sa karaniwang insured individuals, tataas ang kanilang buwanang kontribusyon ng humigit-kumulang NT$39, na magpapalakas sa seguridad pang-ekonomiya para sa kanilang pagtanda.
Ang National Pension ay inilunsad noong Oktubre 2008, na may panimulang premium rate na 6.5%. Sa ikatlong taon nito (2010), itinaas ito ng 0.5% at itinakdang tataas tuwing ikalawang taon ng 0.5% hanggang sa maximum na 12%. Simula noong ito’y inilunsad, nagkaroon na ng pitong pagtaas ng premium rate. Upang matiyak ang balanse at pangmatagalang pagpapatakbo ng National Pension Fund, ipatutupad ng Ministry of Health and Welfare ang bagong rate na 10.5% simula Enero 1, 2025.
Tinatayang 2.39 milyong tao ang maaapektuhan ng bahagyang pagtaas na ito, na may karagdagang NT$39 bawat buwan. Inaasahan na madaragdagan ang kita ng National Pension Fund ng NT$2.7 bilyon kada taon. Ang karagdagang pondo ay gagamitin para sa mga benepisyong ibinibigay sa mga miyembro, kabilang ang retirement, maternity, disability, survivors, at funeral assistance, pati na rin sa pagpapalago ng pondo sa pamamagitan ng mga pamumuhunan.