Kaugnay ng saklaw ng mga gawain ng mga dayuhang manggagawa sa industriya ng pangingisda, inanunsyo ng Ministry of Labor nuong Enero ang bagong regulasyon na malinaw na nagbabawal sa mga foreign fishermen na magsagawa ng anumang trabahong may kaugnayan sa pagbebenta ng mga huling isda. Kasama rito ang pagpoproseso, paghiwa at pagbalot, pag-aayos ng display, at pagtatakda ng presyo. Basta't may kinalaman sa pagbili at pagbebenta, ito ay itinuturing na labas sa pinapayagang trabaho.
Gayunpaman, may mga barkong pangisda na karaniwang nagpoproseso at nagyeyelo ng kanilang huli bago pa man dumaong upang mapanatili ang kasariwaan ng isda. May tanong kung ito ba ay lumalabag sa regulasyon. Ayon sa opisyal ng Ministry of Labor, kung ito ay bahagi ng normal na proseso matapos mahuli ang isda at walang aktwal na pagbebenta na nagaganap sa barko, hindi ito ituturing na paglabag.
Tatlong Pangunahing Punto ng Bagong Regulasyon:
1. Kasama na ang Aquaculture sa Sakop ng Pinapayagang Trabaho
Ang pag-aalaga ng isda gamit ang cage farming ay ngayon ay sakop na ng mga pinapayagang gawain. Kabilang dito ang pag-aayos ng lambat, pagpapakain ng isda, paglalagay ng fingerlings, at pagmamanman sa kapaligiran ng palaisdaan.
2. Pinapayagan ang Ilang Gawain sa Loob ng Pantalan
Kapag nakadaong na ang barko, ang mga crew (maliban sa kapitan) ay maaaring magbaba ng isda, mag-ayos ng mga nahuling isda, magtahi ng lambat, at mag-replenish ng mga supply na kailangan sa susunod na paglalayag.
3. Pwedeng Magsagawa ng Ilang Trabaho sa Barko, Ngunit Hindi ang Pagbebenta
Ang mga crew (maliban sa kapitan) ay maaaring mangisda, tumulong sa paglalayag, mag-ayos ng makina, at magproseso ng huling isda. Ngunit mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng isda, kabilang ang pagpoproseso, paghiwa at pagbalot, pag-aayos ng display, at pagtatakda ng presyo.
Mabigat na Multa para sa Lumalabag
Ayon sa Employment Service Act, ang sinumang dayuhang manggagawa na mahuhuling gumagawa ng trabahong labas sa pinapayagang saklaw ay maaaring pagmultahin ng NT$30,000 hanggang NT$150,000.