Upang pasiglahin ang turismo sa Hualien, inilunsad ng Tourism Administration ng Ministry of Transportation and Communications ang "Taiwan Tour Bus" Hualien package tour promo na 90% off simula noong Bagong Taon, na tinangkilik nang husto ng publiko. Dahil dito, inanunsyo ng ahensya nuong (ika-7 ng Pebrero) na simula Mayo 19 hanggang katapusan ng Oktubre, ang diskwento ay ia-adjust sa 30% off. Gayunpaman, ang mga nakatapos na ng reserbasyon at pagbabayad ay hindi maaapektuhan—kahit pa ang kanilang biyahe ay pagkatapos ng Mayo 19, mananatili ang kanilang mga benepisyo.
Ayon sa Tourism Administration, kasalukuyang may 20 travel agencies na nag-aalok ng 77 Taiwan Tour Bus package tours, na sumasaklaw sa mahigit 100 sikat na destinasyon sa buong bansa. Bukod sa Hualien promo, mula ngayon hanggang Oktubre, magpapatuloy ang promo na "2 tao, 1 libre" para sa iba pang rehiyon. Dagdag pa rito, alinsunod sa “Taiwan Tourism 100 Highlights” Island-wide Monthly Party, ang Taiwan Tour Bus package tours ay magkakaroon din ng seasonal 30% discount promos sa mga piling probinsya.
Bukod pa rito, bilang paghahanda sa "2025 Taiwan Lantern Festival" na gaganapin sa Taoyuan, naglunsad din ang Tourism Administration ng apat na espesyal na Taiwan Tour Bus package tours para sa lantern festival. Ang mga ito ay may 30% diskwento rin at may araw-araw na biyahe sa buong panahon ng festival. Ang mga turista mula sa loob at labas ng bansa ay maaaring madaling bisitahin ang Taiwan Lantern Festival, pati na rin ang mga kalapit na destinasyon sa Taoyuan, Hsinchu, at Miaoli. Maaari nang mag-book ng biyahe para sa grupo ng apat, at may iba't ibang temang maaaring piliin upang maranasan ang kagandahan ng hilagang Taiwan tuwing taglamig.
Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang opisyal na website ng Taiwan Tour Bus: https://www.taiwantourbus.com.tw