Nung 20 ng Pebrero, sa kauna-unahang pagkakataon, isinagawa ng Radio Taiwan International (Rti) ang isang journalism writing workshop para sa mga mamamahayag at mag-aaral na Indonesian sa Taiwan. Ang event na ito ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Indonesian Economic and Trade Office to Taipei (KDEI Taipei), Perhimpunan Pelajar Indonesia di Taiwan (PPI Taiwan), at IDN Times. Layunin ng workshop na ito na palalimin ang kaalaman ng mga Indonesian sa Taiwan tungkol sa media ethics, upang mas maging epektibong tulay ng komunikasyon sa pagitan ng Taiwan at Indonesia.
Ayon kay Chang Jui-chang, sa panahon ngayon kung saan talamak ang maling impormasyon at "fake news", mahalaga na maunawaan ng media practitioners ang etika sa pamamahayag. Sinabi niya:
"Dahil sa laganap na pekeng balita, nais naming gamitin ang workshop na ito upang palawakin ang kaalaman ng mga mamamahayag sa tamang pagsusulat ng balita at media ethics. Naniniwala akong lahat ng dumalo rito ay may matututunan at magiging mahalagang katuwang sa pagbabahagi ng tamang impormasyon sa ating mga kaibigang Indonesians."
Samantala, nagpaabot ng pasasalamat si Arif Sulistiyo, kinatawan ng Indonesian Economic and Trade Office to Taipei (KDEI Taipei), sa Rti sa pagsasagawa ng makabuluhang aktibidad na ito. Naniniwala siyang sa pamamagitan ng workshop, matututo ang mga dumalo kung paano magbahagi ng tamang impormasyon at makakatulong ito sa mga Indones sa Taiwan upang mas maunawaan ang batas ng bansa, maiwasan ang panloloko, at mapalakas ang ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.
Dinaluhan ng iba't ibang Indonesian community groups at student organizations ang workshop na ito. Sa kanyang talumpati, ipinahayag ng PPI Taiwan President na si Febriyanti Rukmana ang kanyang kasiyahan sa pagsali sa event. Aniya, napakahalaga ng ganitong mga pagsasanay sa panahon ngayon kung saan nangingibabaw ang social media, upang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa tamang pamamahayag at pagsasala ng impormasyon.