close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Ayon sa Rti, Lumagpas sa 130 Pamantayan! Dalawang Pangunahing Benepisyo at Halaga ng JTI Sertipikasyon

  • 03 March, 2025
  • 何薇薇
Ayon sa Rti, Lumagpas sa 130 Pamantayan! Dalawang Pangunahing Benepisyo at Halaga ng JTI Sertipikasyon

Nuong (ika-27 ng Pebrero) ang huling araw ng pandaigdigang kumperensya sa digital na karapatang pantao, RightsCon. Sa nasabing kaganapan, inimbitahan ng Reporters Without Borders (RSF) ang kinatawan mula sa Agence France-Presse (AFP) at Radio Taiwan International (RTI) upang talakayin kung paano labanan ang maling impormasyon at bumuo ng isang mapagkakatiwalaang ekosistema ng balita sa digital na panahon.

Ayon kay Li Ming-li, Pangalawang Pinuno ng RTI, madalas nakikilala ng pandaigdigang komunidad ang Taiwan sa pamamagitan ng mga banyagang media. Upang mapalakas ang tiwala ng lokal at dayuhang tagapakinig sa RTI, nakamit nito ang Journalism Trust Initiative (JTI) sertipikasyon mula sa RSF, matapos pumasa sa 130 pamantayan ng sertipikasyon. Handa na ngayon ang RTI na ihatid sa mundo ang boses ng Taiwan gamit ang de-kalidad na nilalaman.

Ano ang JTI Sertipikasyon?

Noong 2019, inilunsad ng RSF ang Journalism Trust Initiative (JTI) at hinimok ang mga media sa buong mundo na lumahok. Upang makuha ang JTI sertipikasyon, kailangang gawin ng isang media outlet ang sumusunod:

  1. Self-Assessment – Sagutin ang JTI questionnaire, kabilang ang pagpapahayag ng estruktura ng pagmamay-ari, pinagkukunan ng pondo, patakarang pang-editoryal, sistema ng pananagutan, proseso ng fact-checking, at pagsasanay ng mga empleyado—kabuuang 130 pamantayan.
  2. Paglalathala ng Transparency Report – Matapos ang self-assessment, kailangang ilathala ng organisasyon ang kanilang ulat tungkol sa transparency.
  3. Independent Audit – Sumailalim sa masusing pagsusuri mula sa isang third-party auditor bago opisyal na matanggap ang JTI sertipikasyon.

Noong Enero ngayong taon, opisyal na nakuha ng RTI ang JTI sertipikasyon, kaya ito ang kauna-unahang news agency sa Taiwan at sa buong Chinese-speaking world na nakatanggap ng ganitong pagkilala.

Dalawa ang Pangunahing Benepisyo ng JTI Sertipikasyon

Sa kanyang pagsasalita sa RightsCon, ibinahagi ni Li Ming-li ang proseso ng aplikasyon ng RTI para sa JTI sertipikasyon at ang dalawang pangunahing benepisyo nito:

  1. Media Literacy – Ang 130 pamantayan ay tila isang "health check-up" para sa isang news agency. Sa masusing pagsusuri, napagtanto ng RTI na ang mga pamantayang ito ay may kaugnayan sa kung paano tinatanggap ng publiko ang impormasyon, na isang mahalagang aspeto ng media literacy.
  2. Pagsusuri at Pagpapabuti ng Trabaho ng Editoryal – Para sa newsroom, ang prosesong ito ay hindi lamang isang hamon kundi isang mahalagang pagkakataon upang matuto at muling suriin ang kanilang gawain.

Sinabi ni Li Ming-li, “Ayon sa feedback mula sa aming news team, marami silang natutunan mula rito. Para itong check-up, kung saan muli naming sinuri ang aming ginagawa at inisip kung epektibo ba ang aming mga patakaran. Ito ba ay napapanahon? Sapat na ba ito? Sa huli, naging isang mahalagang oras ito upang magnilay at mapabuti ang kalidad ng aming trabaho, at lubos itong ipinagpapasalamat ng aming team.”

Bilang isang pampublikong institusyon, regular na sumasailalim ang RTI sa masusing pagsusuri at pag-audit. Dahil dito, nagawa nitong makuha ang JTI sertipikasyon sa mas mababa sa isang taon. Sa hinaharap, kada dalawang taon, kailangang dumaan muli ang RTI sa isang external audit upang mapanatili ang sertipikasyon nito.

Sa usapin ng relasyon ng social media at tradisyunal na media, umaasa ang RTI na READr Mesh, isang bagong media reading platform, ay makakatulong sa paghubog ng mas malusog na ecosystem ng balita sa Taiwan. Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang RTI upang pag-aralan ang posibleng pakikipagtulungan sa nasabing platform.

Comments

Latest Newsmore