close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Umano'y 'United Front' sa Silid-Aralan: Mga Magulang at Opisyal Hinihiling ang Imbestigasyon

  • 06 March, 2025
  • 汪馬雪莉
Umano'y 'United Front' sa Silid-Aralan: Mga Magulang at Opisyal Hinihiling ang Imbestigasyon
Democratic Progressive Party (DPP) Taichung City Councilor Chen Yu-jung (pictured) (Photo: Central News Agency).

Isang grupo ng mga magulang sa Taichung ang naghayag ng kanilang pangamba matapos matuklasan ang umano’y "united front" (統戰) o pro-China propaganda sa isang paaralan. Ang isyu ay nag-ugat sa paggamit ng Syrian Civil War bilang pamagat ng isang talakayan na hinihikayat ang mga mag-aaral na ipahayag ang kanilang pananaw ukol sa takot sa digmaan, pag-ayaw sa labanan, at ang ideya na pagsuko ang pinakamagandang opsyon.

Dahil dito, nanawagan si Chen Yu-jung, isang konsehal mula sa Democratic Progressive Party (DPP), sa pamahalaang lungsod na magsagawa ng agarang aksyon upang maiwasan ang pagpasok ng ganitong uri ng impormasyon sa mga paaralan. Gayunman, sinabi ng Department of Education (DepEd) ng Taichung na dapat manatiling walang kinikilingang panig ang mga guro pagdating sa mga pampulitikang usapin.

Mga Magulang, Nabahala sa Umano’y "United Front" na Nilalaman sa Silid-Aralan

Ayon sa isang magulang na nagbahagi ng kanyang karanasan sa Facebook, napansin niya ang naturang impormasyon habang kasama ang kanyang anak sa isang pampublikong paaralan sa Taichung. Aniya, tila ginamit ang Syrian Civil War upang itaguyod ang pananaw na mas mabuting sumuko na lamang sa halip na lumaban, bagay na ikinabahala niya dahil maaari itong magturo sa mga estudyante ng maling pananaw ukol sa mga salungatan.

Sinabi rin ng nasabing magulang na ang konsepto ng "pagsuko bilang isang makatwirang desisyon ng mga intelektwal" ay maaaring isang anyo ng ideolohikal na impluwensya na tinutulak sa mga paaralan, kaya’t nanawagan siya sa lokal na pamahalaan na magsagawa ng masusing imbestigasyon.

DepEd Taichung: Mga Guro ay Dapat Manatiling Walang Partidong Pananaw

Ayon sa Department of Education ng Taichung, alinsunod sa Artikulo 6 ng Education Basic Law, ang edukasyon ay dapat batay sa prinsipyo ng pagiging neutral. Sa ilalim ng batas, maaaring talakayin ng mga guro ang mahalagang usaping pampulitika sa isang makatwirang paraan, ngunit hindi sila dapat magturo na may kinikilingang panig o may pinapanigan na ideolohiya.

Sa pag-usisa ng ahensya sa naturang paaralan, lumabas na ang talakayan tungkol sa Syrian Civil War ay bahagi ng isang interaktibong klase na gumagamit ng small group discussions, exploratory activities, at Socratic questioning upang matulungan ang mga estudyante na magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa isyu.

Idiniin din ng ahensya na walang partikular na pananaw ang itinulak ng guro at hinimok ang publiko na huwag agad gumawa ng konklusyon o palakihin ang isyu nang walang sapat na batayan.

DPP Councilor: Hindi Dapat Pahintulutan ang "United Front" sa mga Paaralan

Gayunman, tinuligsa ni Chen Yu-jung, isang konsehal mula sa Democratic Progressive Party (DPP), ang insidente, aniya, ang ganitong uri ng propaganda ay hindi dapat hayaan sa mga paaralan ng Taichung.

Nanawagan siya sa lokal na pamahalaan na agad magsagawa ng malawakang pagsisiyasat sa lahat ng elementarya at junior high schools upang tiyakin na walang ganitong uri ng impormasyon ang nakakalat sa mga paaralan. Binigyang-diin din niya na hindi dapat payagan ang anumang pagtatangkang gamitin ang edukasyon bilang instrumento ng ideolohikal na digmaan laban sa mga bata.

Bukod dito, iginiit ni Chen na ang soberanya ng Taiwan ay hindi dapat maliitin at kailangang tiyakin ng gobyerno na ang mga paaralan sa Taichung ay hindi nagiging kasangkapan ng "red infiltration" o pro-China propaganda.

Nanawagan siya sa city government na maging matatag sa pagpapatupad ng batas upang mapanatili ang integridad ng sistema ng edukasyon at mapangalagaan ang pambansang seguridad at dignidad ng Taiwan.

Comments

Latest Newsmore