close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Ika-10 na Migrant Workers’ Literary Award Nagsimula na: Inaasahang Magpapalakas ng Dayalogo sa Iba't Ibang Pangkat ng Kulturang Taiwanese

  • 08 March, 2025
  • 何薇薇
Ika-10 na Migrant Workers’ Literary Award Nagsimula na: Inaasahang Magpapalakas ng Dayalogo sa Iba't Ibang Pangkat ng Kulturang Taiwanese

Ang ika-10 na Migrant Workers’ Literary Award ay opisyal nang nagsimula, at isang press conference para sa pagtanggap ng mga lahok ang ginanap ngayong araw (ika-8) sa ASEAN Square, na kilala bilang "Maliit na Timog-Silangang Asya" ng Taichung. Ang event ay pinangunahan ng host organization at dinaluhan ng kilalang Vietnamese actor na si Liên Bỉnh Phát, na sabay-sabay na nagpahayag ng opisyal na pagsisimula ng patimpalak, na may kabuuang premyo na umaabot sa 350,000 NTD.

Higit sa isang milyong migranteng manggagawa mula sa Timog-Silangang Asya ang bahagi na ng lipunan sa Taiwan, at mahalagang maibahagi ang kanilang mga kuwento sa mas maraming Taiwanese. Layunin ng Migrant Workers’ Literary Award na patuloy na hikayatin ang mga migranteng manggagawa na magsulat gamit ang kanilang katutubong wika at magkaroon ng plataporma upang marinig ang kanilang tinig. Ang patimpalak na may natatanging papel sa panitikang Taiwanese ay ngayon nasa ika-10 taon na nito, at opisyal nang tumatanggap ng mga lahok simula ngayong araw.

Ang Radio Taiwan International (Rti) ay isa sa mga katuwang ng patimpalak. Ayon kay Li Mingli, Deputy Director-General ng Rti, matagal nang nagbibigay ng serbisyo ang istasyon sa iba't ibang wika sa Timog-Silangang Asya. Noong nakaraang taon, nakipagtulungan ito sa Ministry of the Interior at Police Broadcasting Service upang lumikha ng bagong programa na naglalayong iparating ang mga kwento at saloobin ng mga migranteng manggagawa sa mga mamamayang Taiwanese upang mapalalim ang kanilang pag-unawa sa isa't isa. Sinabi ni Li Mingli: “Maraming Taiwanese ang nagpapadala ng liham sa amin upang sabihin na marami silang natutunan tungkol sa buhay at saloobin ng mga migranteng manggagawa sa pamamagitan ng programang ito. Kaya’t batid naming na ang panitikan, media, pelikula, at teatro ay may mahalagang papel sa pagpapalaganap ng kaalaman at pagpapalakas ng pagkakaunawaan sa lipunan.”

Ayon kay Tang Shengrong, Tagapangulo ng host organization na "One-Forty Cultural and Creative," ang mga likha ng mga migranteng manggagawa ay nagpapahintulot sa atin na marinig ang mga tinig na hindi pa natin narinig noon at makita ang Taiwan mula sa isang bagong pananaw.

Si Zhang Zheng, tagapagtatag ng patimpalak at chairman ng Southeast Asian Education, Science, and Culture Association, ay nagbahagi na ang ideya ng Migrant Workers’ Literary Award ay isinilang noong 2014 habang kumakain sa isang stir-fry restaurant. Sa loob ng 10 taon, maraming kwento na ang lumitaw at naging tulay upang magkaroon ng dayalogo at mas malalim na pag-unawa sa pagitan ng mga pangunahing at di-pangunahing grupo sa Taiwan, na lalo pang nagpapayaman sa kultura ng bansa.

Ayon kay He Xinming, Tagapangulo ng Taiwan Wild Grass Writers’ Association, sa kasalukuyan ay mayroong higit sa 800,000 migranteng manggagawa at daan-daang libong mga imigrante sa pamamagitan ng kasal sa Taiwan. Ang pagkakaroon ng patimpalak na ito ay parang pagbubukas ng isang bintana—isang oportunidad para sa mga migranteng manggagawa na maihayag ang kanilang mga damdamin, malampasan ang mga hadlang sa wika, kultura, at identidad, at magkaroon ng sariling tinig.

Ang ika-10 Migrant Workers’ Literary Award ay bukas sa lahat ng migranteng manggagawa, bagong residente, at anak ng mga bagong residente sa buong mundo. Layunin nitong ipakita hindi lamang sa Taiwan kundi pati na rin sa buong mundo ang kagandahan ng pagkakaiba-iba at pagkakaisa sa kultura. Walang partikular na tema para sa mga lahok, ngunit kailangang hindi lalampas sa 3,000 salita.

Sa unang yugto ng kompetisyon, pipili ng 50 akda mula sa iba’t ibang wika upang isalin sa Chinese. Pagkatapos, isang panel ng mga eksperto, kabilang sina Guan Zhongxiang at Cai Qihua, ang pipili ng mga nanalo. Ang mga premyo ay ang sumusunod:

  • Grand Prize – 1 nagwagi
  • Judges’ Choice Award – 1 nagwagi
  • Excellence Award – 3 nagwagi
  • Youth Jury Recommendation Award – 3 nagwagi

Bukod dito, may pagkakataon ang mga nanalong akda na maisama sa isang proyekto ng script development upang maging pelikula o palabas sa telebisyon.

Comments

Latest Newsmore