Lumagda ng Memorandum of Understanding (MOU) ang Radio Taiwan International (RTI) at ang Political Warfare Bureau ng Ministry of National Defense (MND) noong ika-6 ng buwan. Ang kasunduang ito ay naglalayong palakasin ang kooperasyon sa larangan ng edukasyong pang-depensa, paggamit ng media resources, at pandaigdigang estratehikong komunikasyon upang mapaunlad ang imahe ng sandatahang lakas ng Taiwan, mapahusay ang pambansang depensa sa kamalayan ng publiko, at mapalakas ang impluwensiya ng Taiwan sa pandaigdigang antas—lahat ng ito ay may layuning "maipahayag nang maayos ang kuwento ng Taiwan."
Ang seremonya ng paglagda ay ginanap sa punong tanggapan ng RTI noong hapon ng ika-6 ng buwan. Sinabi ng Tagapangulo ng RTI na si Lai Hsiu-Ru na sa gitna ng pandaigdigang kaguluhan at kawalang-katiyakan, mahalaga para sa isang internasyonal na public media tulad ng RTI na manatiling matatag at propesyonal. Aniya, ang pakikipagtulungan sa Ministry of National Defense ay isang mahalagang milestone sa pag-unlad ng RTI bilang isang media institution.
Ipinunto rin ni Lai Hsiu-ju na noong simula ng taong ito, nakamit ng RTI ang Journalism Trust Initiative (JTI) certification mula sa Reporters Without Borders (RSF), na ginagawang kauna-unahang Chinese-language media sa buong mundo na nakatanggap ng naturang sertipikasyon. Sa harap ng paglaganap ng maling impormasyon, magtutulungan ang RTI at ang Ministry of National Defense upang tiyakin na ang tamang impormasyon tungkol sa Taiwan ay maipapahayag sa buong mundo.
Ayon kay Lai Hsiu-ju:
"Nais naming ipakalat ang katotohanan tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng Taiwan at China sa buong mundo. Kung may dapat bansagang ‘China expert,’ naniniwala ako na ang RTI ang dapat maging nangungunang brand. Nais naming mas maunawaan ng mundo ang China, at higit sa lahat, maipakita ang demokrasya, kalayaan, at mga karapatang pantao sa Taiwan—isang pamumuhay na hindi maaaring at hindi kailanman dapat hamunin."
Samantala, sinabi naman ni Political Warfare Bureau Director-General Chen Yu-lin na natutuwa siya sa pagkakataong ito upang mapalalim ang media literacy ng sandatahang lakas, mapalakas ang kakayahan ng hukbo sa information warfare at cognitive warfare, at mapahusay ang pandaigdigang estratehikong komunikasyon. Idinagdag niya na dati nang nasa ilalim ng Ministry of National Defense ang RTI, kaya’t sa paggunita ng ika-80 anibersaryo ng tagumpay ng Taiwan sa War of Resistance Against Japan, ang muling pakikipagtulungan ng RTI at MND ay may mas malalim na kahulugan.
Batay sa kasunduan, ang RTI ay maglalaan ng mga dayuhang host upang tumulong sa paggawa ng mga programa ng Ministry of National Defense at mapalawak ang multi-language broadcasting. Bukod dito, ang RTI-produced na programang "洞察中國" (Insight into China) ay isasama sa Juguang Garden (莒光園地)—isang programang pang-edukasyon sa pambansang depensa—upang mapalakas ang kamalayan ng publiko sa usaping pambansang seguridad. Samantala, ang Ministry of National Defense ay magbibigay ng pahintulot sa paggamit ng kanilang military media content upang mapalawak ang abot at impluwensiya ng balitang panghukbo.